BANDANG 3:00 ng hapon nitong Miyerkules, tinawid ng bagyong “Ompong”, ang ika-15 bagyong pumasok sa bansa ngayong taon, ang Philippine Area of Responsibility (PAR), nasa 1,000 kilometro ang layo mula sa Pasipiko at patuloy ang mabagal na pagkilos patungong kanlurang bahagi ng Luzon. Patuloy na lumalakas ang dala nitong hangin sa nakalipas na mga araw at maaaring sapulin ang Hilagang Luzon ngayong Sabado.
Sa pagpasok ng Ompong sa PAR nitong Miyekules, bitbit nito ang hanging umaabot sa 220 kilometro kada oras, at pagbugso na umaabot sa 270 kph. Sa pagkilos nito pakanluran, inaasahan ang higit pang paglakas ng hangin nito na posibleng magdulot ng daluyong o storm surge sa baybaying bahagi ng Cagayan at Isabela.
Matatandaang daluyong na may taas na pitong metro ang tumama sa Leyte at Samar na kumitil sa libu-libong katao nang manalasa ang bagyong “Yolanda” noong 2013. Binuwal din ng malakas na hangin ang mga puno, ibinagsak ang mga poste ng kuryente at winasak ang mga bahay.
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa ikatlong panganib ng “Ompong”—ang ulang dala ng habagat sa panahong ito ng taon na pinalalakas ng mga dumarating na bagyo. Maaaring magdulot ang malakas na pag-ulan ng pagguho ng lupa, palakasin ang daloy ng mga ilog na nagiging mapaminsala, at ang malawakang pagbaha sa mga lugar ng hindi pa naaaning mga palay.
Sa isang hindi pangkaraniwang pagkakataon, nagbabanta rin sa East Coast ng Estados Unidos ang kasinglakas na Hurricane “Florence” na kumikilos mula sa Timog Atlantic patungong hilagang-kanluran sa bahagi ng Carolina at Virgina, na una nang nagdeklara ng emergency. Sa kabilang bahagi naman ng US, nagbabanta ang daluyong at mga pagbaha sa Hawaii dulot ng bagyong “Olivia”.
Habang papalapit ang bagyong Ompong sa Pilipinas, kumilos na ang mga opisyal ng mga probinsiya, lungsod at bayan mula sa Hilagang Luzon hanggang sa rehiyon ng Bikol sa pamamagitan ng pagsuspinde ng klase, pag-alerto sa mga ospital at mga law enforcement agency, paghahanda ng mga emergency rescue teams, at pag-iimbak ng mga pagkain at iba pang relief goods. Sa paligid ng Bulkang Mayon sa Albay, nagpalabas na ng alerto para sa panganib ng lahar.
Sanay na tayong madaanan ng mga bagyo at sama ng panahon sa buong taon ngunit higit na mas malakas kumpara sa iba ang “Ompong”, inihahalintulad sa supertyphoon “Yolanda” nagpaalala ang pamahalaan sa publiko na maging alisto, iwasan ang mga mapanganib na lugar tulad ng mga dalisdis ng bundok, gilid ng mga ilog at mabababang lugar.
Panatilihin natin sa ating mga isip ang mga paalala habang hinahagupit ng bagyong Ompong ang bansa ngayon. Lahat ng mga naunang bagyo ngayong taon ay lumihis pa hilaga at ibinuga ang lakas sa hilagang lupain ng Japan, Korea at China, habang dumanas lamang tayo ng mga pagbaha. Ngunit direktang kumikilos patungo sa atin ang Ompong kaya kailangan nating maging handa sa malakas nitong hangin at sa daluyong na maaaring dalhin ng karagatan.