INILABAS ng Philippine Military Academy Alumni Association Inc. (PMAAAI), Eagle Fraternal Chapter, ang binayarang isang pahinang anunsiyo sa pahayagang itinatakwil si Senador Antonio Trillanes IV at inirerekomenda nito ang pagpapatalsik sa kanya sa nasabing samahan.
May petsang Setyembre 12, 2018, pinamagatan ng samahan ng mga kadeteng nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA), na nakabase sa Mindanao, ang kanilang pahayag ng: “Philippine Military Academy Alumni Association Inc. (PMAAAI), Eagle Fraternal Chapter Unilateral Declaration Ostracising Senator Antonio Trillanes IV and Recommending For His Oister From PMAAAI”.
Hindi natin inaalis na karapatan ng bawat mamamayan na bumuo ng samahan at ibulalas ang saloobin. Pero, ang gamitin ang PMA upang dito ipahayag ang pinagsamang paniniwala ay hindi katanggap-tanggap. Ang PMA ay isang institusyon na ginagastusan ng gobyerno. Kaya, pera ng taumbayan ang ginagamit dito upang maluwalhati nitong matupad ang layunin para sa bayan sa sangay ng tagapagtanggol ng bansa at tagapangalaga ng kapayapaan at kaligtasan ng mamamayan. Halos ang tinatanggap dito ay mga dukha, pero may sapat na karunungan. Inihahanda at sinasanay na maging tapat sa paglilingkod sa bayan.
Ang malaking problema ay ginagamit ng mga ito ang PMA sa pagpapahayag ng kanilang paniniwala at layunin. Ginagamit pa ito laban sa kanilang kapwa at pinapanigan ang kalaban nito. Hindi dapat isinasangkot ang PMA sa pulitika. Ang labanan nina Sen. Trillanes at Pangulong Duterte ay may kaugnayan sa pagpapatakbo ng gobyerno. Magkaiba at magkasalungat ang kanilang pananaw. Inihahayag nila ang mga ito sa mamamayan. Walang pipigil at kokontra sa mga miyembro ng PMAAAI kung makikialam sila sa sarili nilang kapasidad o kahit sama-sama nilang gawin ito nang hindi ginagamit ang PMA.
Halatang-halata sa kanilang anunsiyo sa pahayagan na sila ay pro-Duterte dahil maliwanag ang mga talata nito na matindi nilang binabatikos si Trillanes. Matindi nilang binabatikos ito kaugnay ng pagkikipaglaban niya para sa kanyang karapatan at kalayaan. Eh bilang PMAyer, gamitin nila ang itinuro sa kanila na tagapangalaga lang sila ng mamamayan, na salapi nila ang kanilang ginamit upang makapag-aral at makapagtapos sa PMA. Sa pagtrato nila ng isyu, dapat tingnan ng PMA alumni si Trillanes bilang pulitiko na sa pagganap niya sa tungkulin, ay nakikipagtunggali sa kapwa niya mga pulitiko sa kanilang hangaring maihayag ang higit na makatwiran at makaturungang posisyon.
-Ric Valmonte