Hindi rin nagpalabas kahapon ng arrest warrant at hold departure order (HDO) ang Makati City Regional Trial Court (RTC) 150 laban kay Senator Antonio Trillanes IV.

Ang nasabing korte ang ikalawang dinulugan ng Department of Justice (DoJ) para mag-isyu ng alias warrant of arrest at HDO laban sa senador.

Sa halip, binigyan ni Makati RTC Branch 150 Judge Elmo Alameda ng limang araw ang kampo ni Trillanes at ang DoJ na magkomento bago resolbahin ang urgent motion ng prosekusyon.

Ayon sa panig ng senador, itinuturing nila itong “initial victory” ngunit mas inaasam ngayon na tuluyang maibasura ng korte ang mga hiling na muling buhayin ang kaso ni Trillanes na una nang naibasura.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Nabatid na walang naipakitang aktuwal na aplikasyon at certificate of receipt ng amnesty ang kampo ni Trillanes sa korte, sa ginanap na pagdinig sa nabanggit na mosyon ng DoJ, dakong 9:00 ng umaga.

Iginiit ni Atty. Reynaldo Robles, abogado ni Trillanes na hindi naman kailangan ang resibo at actual application kung mayroon namang certified true copy of amnesty ang senador.

Aniya, obligasyon ng prosekusyon na patunayan sa korte na hindi nag-apply ng amnestiya si Trillanes.

“Ang sabi doon hindi mahanap. Ibig sabihin meron, pero hindi nila mahanap. So, sino may problema doon, hindi ba dapat ang gobyerno?” ani Robles.

Matatandaang hindi rin naglabas ng arrest warrant at HDO ang Makati RTC Branch 148 nitong Miyerkules laban sa senador.

Kaugnay nito, mananatili naman si Trillanes sa Senado matapos niyang tangkaing lumabas nitong Huwebes ng gabi.

Ayon kay Trillanes, paglabas ng kanyang sasakyan para magpagasolina ay sinundan ng mga lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang kanilang convoy, ilang oras matapos niyang ihayag sa media na uuwi na siya nitong Huwebes ng gabi.

-Bella Gamotea at Leonel Abasola