NAKAMIT ng University of the Philippines women’s volleyball squad ang una nilang titulo matapos ungusan ang Far Eastern University, 25-20, 25-18, 23-25, 20-25, 15-13 sa women’s class ng Premier Volleyball League (PVL) Collegiate edition Miyerkules ng gabi sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.
Matapos mawala ang dalawang sets na bentahe, unti-unti ring nabura ng Lady Maroons ang walong puntos na bentahe tungo sa pagtabla ng Lady Tams sa 2-2.
Pagdating sa decider, sila naman ang naghabol makaraang maiwan ng anim na puntos para ganap na mawalis ang final series.
Pinanindigan ni Isa Molde ang pagkakahirang sa kanya bilang conference MVP nang magdeliver ng mga krusyal na hits sa fifth set upang mabura ang 13-7 kalamangan ng FEU.
Matapos mahabol at makatabla sa pamumuno ni Molde, tinapos ni skipper Arielle Estrañero ang laro sa pamamagitan ng isang service ace.
Nakamit ng UP ang una nilang volleyball championship pagkaraan ng 36 na taon nang huli silang magkampeon sa UAAP noong 1982.
“Sobrang happy, parang nasa-ulap ako sa kasiyahan,” pahayag ni Molde, tinanghal ding Finals MVP.
“Hindi lang naman ako but all of us. We raised the level of our respective games,” aniya.
Dahil sa panalo ng UP, nakamit naman ng Adamson ang third place pagkaraang talunin ang University of Santo Tomas, 15-25, 25-20, 25-20, 25-19 sa Game 2 ng sarili nilang series sa bisa ng mas mataas na quotient dahil tinalo sila ng Tigresses sa loob ng limang sets noong Game 1.
-Marivic Awitan