Hindi na naman nakapagpalabas ng alias warrant of arrest at hold departure order (HDO) ang Makati City Regional Trial Court (RTC) laban kay Senador Antonio Trillanes IV, kahapon ng umaga.

Sa halip, binigyan ni Makati RTC Branch 148 Judge Andres Soriano ng 10 araw ang kampo ni Trillanes upang makapagsumite ng supplemental comment bilang tugon sa mosyon ng Department of Justice (DoJ) na humihiling sa hukuman na maglabas ng arrest warrant at HDO laban sa senador.

Limang araw naman ang ibinigay ng korte sa prosekusyon upang magpasa ng kanilang additional reply sa supplemental comment ng kampo ng senador.

Iginiit naman ng abogado ni Trillanes na si Reynaldo Robles, na ang burden of proof ay nasa panig ng prosekusyon dahil pitong taon na ang nakararaan mula nang bigyan ng amnestiya at i-dismiss ng korte ang kasong kudeta laban sa kanyang kliyente.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nangako rin si Robles na bibigyan si Judge Soriano ng kopya ng resolusyon o desisyon na inisyu ng Supreme Court.

Posible namang maglabas ng ruling ang korte sa nasabing mosyon ng DoJ bago matapos ang Setyembre.

Kaugnay nito, mananatili pa rin ang senador sa Senado, kahit na wala pa ring ipinalalabas na arrest warrant ang korte laban sa kanya.

Depensa ni Trillanes, pansamantala lang ang pananatili niya sa Senado habang pinag-aaralan nila kung kailan siya maaaring lumabas sa kustodiya ng Mataas na Kapulungan.

-Bella Gamotea at Leonel M. Abasola