STANDING ovation ang tinanggap ni RS Francisco at ng cast ng M. Butterfly sa kanilang press preview na ginanap sa Maybank Performing Arts Theater, Bonifacio Global City, nitong Miyerkules.
Una nang ginampanan ni RS ang role bilang espiya ng China sa Madame Butterfly noong 18 years old pa lamang siya. Dalawampu’t anim na taon na ang nakalipas mula nang itinanghal ang naturang play sa UP Theater. Napaluha nga si RS sa sobrang tuwa dahil sa mainit na pagtanggap ng manonood sa stage play na pinagbidahan din niya noong siya’y bata pa.
Definitely, higit na malalim ang pagbibigay-buhay ni RS sa katauhan ni Song Liling sa 2018 version ng M. Butterfly, dahil sa mga karanasan na pinagdaanan niya sa tunay na buhay mula noong 1992 hanggang sa kasalukuyan.
Bilang Chinese opera singer na nagpanggap na babae para maging espiya, hanggang sa makipagrelasyon sa isang French diplomat na nagpasa sa kanya ng mga sikreto ng French government, iba’t ibang klase ng emosyon ang ipinamalas ni RS, at with flying colors.
May mga adlib si RS na hit na hit sa audience. Hindi nga namalayan na tatlong oras pala tumagal ang stage play, na batay sa mga tunay na pangyayari.
Ang French actor na si Olivier Borten ang gumanap na Rene Gallimard, ang French diplomat lover ni Song Liling.
Gaya ni RS, mahusay ang pagganap ni Olivier na nakakabilib dahil memoryado niya ang kanyang kilo-kilometrong linya mula simula hanggang sa katapusan ng palabas.
Matindi rin ang suporta na tinanggap nina RS at Olivier mula sa kanilang co-stars na sina Pinky Amador, Mayen Estanero, Maya Encila, Rica Nepomuceno, at Lee O’Brian na higit na kilala bilang real-life partner ng comedienne na si Pokwang.
Nang unang gampanan ni RS ang role ni Song Liling sa M. Butterfly na produksyon ng Dulaang UP noong 1992, umani siya ng mga papuri, matagal na pinag-usapan ang stage play na pinagbidahan niya, at naging kontrobersiyal ang pagpayag niyang gawin ang frontal nudity scene.
Fast forward to 2018. Walang takot na inulit ni RS ang frontal nudity scene nito sa M. Butterfly at nakuha niya muli ang paghanga at respeto ng manonood dahil sa kanyang pagmamahal sa propesyon at entablado.
Dalawampung beses na itatanghal ang M. Butterfly sa Maybank Performing Arts Theater, mula September 14 hanggang September 30.
Sa bawat pagtatanghal ng M. Butterfly, ay iba’t ibang organisasyon ang beneficiary dahil sa Pay It Forward advocacy ni RS.
Ang Love Yourself Inc., 1Meal Program, Habitat for Humanity, Hope 4 Change, Teach for the Philippines, Love Is All We Need, Philippine High School for the Arts, at Trip to Quiapo Workshops ang ilan sa mga beneficiary ng M. Butterfly.
-ADOR SALUTA