GAINESVILLE, Georgia – Kaagad na nagparamdam ng katatagan at determinasyon ang Team Philippines sa nakamit na dalawang gintong medalya via record-setting fashion sa prestihiyosong 2018 ICF World Dragon Boat Championships nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Lake Lanier Olympic Park dito.

 MASAYANG ibinida ng Philippine Team ang bagong tagumpay sa world championship.

MASAYANG ibinida ng Philippine Team ang bagong tagumpay sa world championship.

Napagwagihan ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation ang 10-seater senior mixed 500-meter event laban sa race favorites Hungary at host United States.

Sa pangunguna ni drummer Patricia Bustamante at steerer Maribeth Caranto, ratsada ang Pinoy sa naitalang dalawang minuto, 7.5 segundo para makabawi sa bronze-medal finish sa naturang event noong 2016 world championships sa Moscow, Russia.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sumegunda ang liyamadong Hungarians sa tyempong 2:11.36 habang nakabuntot ang Americans (2:11.86) sa taunang torneo na nagtatampok sa top 16 na bansa sa world dragonboat racing.

“They really wanted to prove something out there and they never lost focus despite the strong opposition,’’ pahayag ni PCKDF president Jonne Go.

Nakamit ng Filipinos ang ikalawang gintong medalya nang madomina ang 20-seater senior mixed 500m race kontra sa Hungary at Czech Republic.

Naisumite nila ang oras na 1:52.58, sapat para lagpasan ang dating marka nang tatlong segundo sa naitarak sa Mocow meet. Nakabuntot ang Hungarians (1:55.09) at Czech Republic placed third (1:55.14).

``We never doubted the team’s ability to win. Once again, they showed the world that we Filipinos are world-class in this sport,’’ pahayag ni Go For Gold’s Jeremy Go,nagtataguyod sa partisipasyon ng PCKDF, kasama ang Philippine Sports Commission (PSC).

Naging pambawi ng Pinoy paddlers ang torneo matapos mabokya ang kampanya sa nakalipas na 18th Asian Games sa Jakarta, Indonesia.

Ayon kay head coach Len Escollante, target ng Pinoy na makamit ang ikatlong gintong medalya sa Linggo sa pakikipagtuos sa mga karibal sa 10-seater men’s 200 finals. Pambato ng koponan sina Mark Frias, Reymart Nevado, John Paul Selencio at Oliver Manaig.

Sasabak naman ang women paddlers team nina Raquel Almencion, Rosalyn Esguerra, Rhea Rhoa at Christine Talledo sa small boat mixed category.