PUMAPANAW ang lahat ng tao, ngunit nag-iiwan ang ilan sa kanila ng mga nagawa at pamana na nagbibigay-kahulugan sa ambag nila sa lipunan at kanilang pamayanan. Isa si Danny Fajardo sa mga iyon. Pumanaw siya nitong ika-9 ng Setyembre 2018.
Si Danny Fajardo ang nagtatag ng Panay News sa Iloilo, isang pahayagang pang-rehiyon at kasanib sa Publisher’s Association of the Philippines, Inc. (PAPI). Pumanaw siya sa pinakakritikal nating panahon kung kailan maraming peryodista ang nahaharap sa banta ng panganib sa kanilang buhay at masigasig na pagtupad sa misyon ng kanilang propesyon.
Mahaba ang nilakbay ni Danny na isa ring brodkaster, sa mundo ng malayang pamamahayag. Nakasama ko siya sa maraming paglalakbay sa sa iba’t-ibang bansa, kasama na ang USA, Brazil, Argentina, Colombia, China, Australia at New Zealand.
Itinatag ni Danny noong 1981 ang kanyang Panay News na siya rin ang patnugot sa loob ng maraming dekada. Matindi siyang kritiko at walang sinasanto sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno sa lalawigan nila, maging sa Panay News o sa kilalala niyang radio-cable TV public affairs program na may pangalang Reklamo Publiko. Sa kabila ng kanyang bagsik at tapang, isa siyang magiliw at makataong kaibigan.
Maraming katungkulan at papel din ang ginampanan ni Danny. Naging pangulo siya ng Iloilo Press Club, ang pinakamatandang samahan ng mga mamamahayag sa bansa, at minsang nagsilbing PAPI executive vice president. Naging executive director siya ng National Book Development Board (NBDB), commissioner ng Commission on Filipino Language, at direktor ng Media Division ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA).
Nagtapos siya sa Silliman University sa Dumaguete City at nag-aral ng kursong Para-legal Studies sa Manila Times School of Journalism. Naging delegado din siya ng Pilipinas sa ika-50 anibersaryo ng United Nations. Bukod sa pamamahayag, nagsilbi rin siyang political consultant, public relations man at strategic planner at iba pang komplikadong katungkulan.
Angkop ang buhay ni Danny sa inilarawan ni Austrian-American journalist-diplomat na si Henry Anatole Grunwald. Ayon sa kanya, “Journalism can never be silent. That is its greatest virtue and its greatest fault. It must speak, and speak immediately, while the echoes of wonder, the claims of triumph and the signs of horror are still
in the air.”
Pumanaw si Danny sa araw at petsa kung kailan siya pinangaralan ng bayan ng Mina sa Iloilo bilang “isa sa natatanging mga anak nito sa larangan ng negosyo at pamumuhunan.”
Paalam, mahal kong kaibigang Danny!
-Johnny Dayang