INILUNSAD ng Department of Trade and Industry (DTI) ang “One Town, One Product (OTOP) Philippines Hub”, kung saan maaaring matikman o magamit ng mga Bulakenyos at mga residente ng kalapit na lugar ang mga best product ng iba’t ibang bayan sa bansa.
Matatagpuan ang hub, na una sa Central Luzon, sa Bulacan Pasalubong Center sa bahagi ng Malolos.
Pinasalamatan naman ni DTI Undersecretary Ireneo Vizmonte ang probinsiyal na pamahalaan ng Bulacan para sa pagtanggap ng establisyamento.
“Napakagandang pagkakataon ito upang maipakilala ang OTOP Philippines sa lalawigan ng Bulacan nang sa gayon ay maipakita ang iba’t ibang produkto at maging competitive sa palengke,” ani Vizmonte.
Ayon sa kanya, ang OTOP program na matagal nang pinatatakbo ay naglalayong tumulong sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) upang mapaunlad ang kalidad ng kanilang mga produkto.
Nagpahayag naman ng pagkagalak si Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado sa pagpili ng DTI sa Bulacan bilang lunsaran ng unang OTOP Philippines Hub sa Central Luzon.
“Tayo po sa Bulacan ay nagpapasalamat din sa DTI sapagkat dito nila napiling itanghal ang mga produkto ng iba’t ibang bayan sa bansa. Isa po itong magandang oportunidad upang magkatulungan tayo sa pagpapaunlad ng ating mga produkto,” pahayag ni Alvarado.
Samantala, binuksan din ang “Tatak Singkaban ng Central Luzon Trade Fair” sa Eco Commercial Complex na magtatagal hanggang Setyembre 15.
Habang ang mga produkto naman ng OTOP ay mananatili buong taon sa Bulacan Pasalubong Center.
PNA