SINO’NG mag-aakala na ang gumanap sa karakter ni SPO3 Jerome Girona Jr. sa FPJ’s Ang Probinsyano na si John Prats ay isang mahusay na concert director.
Kapag napapanood namin si John sa nasabing action serye ni Coco Martin ay hindi namin siya nakikita bilang direktor, dahil ang nasa isip namin ay aktor siya.
At take note, Ateng Jet, halos lahat ng concert na idinirek ni John ay sold out! Ang taray, ‘di ba?
Pagkatapos ng mga show nina Moira de la Torre at K Brosas sa KIA Theater, at ni Richard Poon sa The Theater Solaire, heto at susubukan namang patunayan ni John ang husay niya sa pagdidirek ng concert sa MOA Arena, sa Setyembre 22, para sa 15th anniversary concert ni Erik Santos.
Anyway, si Erik daw mismo ang humingi ng tulong kay John na kung puwedeng idirek ang 15th anniversary concert nito.
“Kinausap niya (Erik) ako. Sabi niya, ‘Direk, ikaw mag-direk ng concert ko’. Sabi ko, ‘Totoo ba yan?’,” kuwento ni John.
“Si Erik ‘yung isa sa mga unang naniwala (sa akin).
“After that week I received a call from Cornerstone, na si Miss K Brosas din gusto (ako) magdirek, and then si Richard Poon. So du’n na (nag-start).”
Naalala namin ang kuwento ni John nang makasalubong naming siya sa ABS-CBN old building. Nabanggit niya na magdidirek siya ng concert, at napa-wow kami. Tinanong naming siya kung change career na siya.
“Hindi naman change career, isa rin kasi ito sa gusto ko. Saka talagang nag-aral din naman ako,” sabi ni John noon.
Natawa pa nga ang actor-director nang tanungin namin kung ano ang mas malaki ang talent fee, ang pagiging aktor o pagdidirek?“Ha, ha, ha, ‘wag na (alamin). Pero siyempre, artista. Bago pa lang naman ako (direktor).”
Pero malamang na tumaas na ang talent fee ngayon ni Direk John dahil tatlong sold-out concert na ang natapos niya.
Hindi lang ‘yan, isa rin si John sa direktor ng Boys II Men at The Divas concert sa Smart Araneta Coliseum sa Disyembre 15. Going international na ang dating miyembro ng JCS (John, Carlo Aquino at Stefano Mori).
Inamin ni John na natuwa at kinilig siya nang alukin siyang magdirek sa The Divas repeat concert nina Kyla, KZ Tandingan, Yeng Constantino at Angeline Quinto, kasama pa ang Boyz II Men.
“It’s a collaboration, there are two artists, the Boyz II Men and The Divas. I’ll be directing The Divas’ side. But to be part of it is amazing.
“Nakaka-excite, pero ngayon gusto ko muna mag-focus kay Erik. Pero kinilig talaga ako when I got the message.”
At take note, hindi lang ang pagiging concert director ang gustong tahakin ni John sa career niya. Plano rin niyang magdirek ng pelikula sa 2019.
Okay lang ba sa kanyang idirek niya ang kanyang mga ex-girlfriend sa showbiz?
“Feeling ko I’ll be comfortable with that, but I’m not sure if my wife will be comfortable with that. And if she’s not comfortable with that, I don’t think I’ll be comfortable with that,” tumawang sagot ni Direk John, binanggit ang asawang si Isabel Oli.
Nilinaw din ni John na wala siyang isyu sa mga nakarelasyon niya noon.
“Kahit sino naman I’m okay with my exes. Siguro nasa ibang level naman na kami, may mga pamilya na kami, may mga anak na kami. Wala na yung, ‘Oh my God nandiyan ‘yung ex ko, kelangan kong magtago’.”
Hmm, hindi na rin kami magtataka kung isang araw ay ipagkatiwala na rin ni Direk Coco ang pagdidirek ng FPJ’s Ang Probinsyano kay Direk John
-REGGEE BONOAN