ISA ako sa mga hurado sa katatapos lamang na 2018 Division Secondary Schools Press Conference at nagulat ako sa taas ng kamalayang pampulitika ng mga “campus journalist” sa high school, pribado man o pampubliko, sa buong Quezon City.
Dalawang mag-aaral sa high school ang nanguna sa “Opinion Writing Contest” – sa Wikang English ay si Freedom Balawag ng Juan Sumulong High School, at sa Wikang Filipino naman ay si Michael Alleneveih Chucas ng E. Lopez Jr. Center for Media Arts Senior High School.
Ang akdang ipinanalo ni Michael Alleneveih Chucas ang napili kong itampok na kolum sa ImbestigaDAVE para sa araw na ito ng Biyernes -- “Duterte vs Trillanes: Harapang panggigipit”.
Hindi pa man nakauupo sa Malacañang si Pangulong Rodrigo R. Duterte ay naging matindi na niyang kritiko si Senator Antonio Trillanes IV. Kaya naman ngayong nasa puwesto na si PDU30, hindi na nakapagtataka kung ulanin man siya ng banat mula rito.
Kagabi, habang nakasakay ako sa bus pauwi, ay animo bombang sumambulat sa akin ang headline na balita sa TV.
Inilabas ng Malacañang ang Proclamation No. 572 na nilagdaan ni PDU30 na bumabawi sa amnestiyang ipinagkaloob ni dating Pangulong Benigno Aquino III kay Trillanes, na nakapaloob naman sa Proclamation 75, na nagpapawalang sala sa kaso nitong “sedition” at “mutiny”, kaugnay ng Oakwood Mutiny at Manila Peninsula Siege noong administration ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Naging usap-usapan ito sa buong bansa at nagdulot ng matitinding debate sa pagitan ng mga kaalyado ni PDU30 at mga kritiko nito sa oposisyon. Tunay naman kasing nakagugulat ang naging pagkilos na ito ng Pangulo.
Paliwanang ng mga nasa Malacañang, hindi nakapagbigay ng mga legal na dokumento ang kampo ni Trillanes kagaya ng “Amnesty Application” at “Pledge of Guilt” upang tuluyan siyang mapawalang-sala sa mga “political offenses” nito noong Arroyo Administration.
Ngunit para saan nga ba ang muling pag-uungkat na ito ng pamahalaan sa nakaraang mga asunto ni Trillanes? Nonsense lamang ito dahil may mga “file photo at video” naman na makapagpapatunay sa pagiging legit ng mga apila ng Senador. Kahit na mismo sina Sen. Pia Hontiveros at Sen. Franklin Drilon ay kapwa sumusuporta sa “authenticity claim” na ito ng kampo ni Trillanes.
Naniniwala rin ako sa argumento ng kaalyado ni Trillanes na si Magdalo Representative Gary Alejano, na ito ay “abuse use of power”. Malinaw na panggigipit ito. Ginagamit lamang ni PDU30 ang kanyang kapangyarihan laban sa pagiging “underdog” ni Trillanes sa bakbakang ito. Nandito na naman tayo sa “climax” na parte ng laro na nilikha ng administrasyon upang patahimikin ang kanilang kritiko.
Ang isa pang maaaring dahilan, ay puwedeng “diversionary tactics” lamang ito ni PDU30 upang matabunan ang naglalakihang isyu sa bansa, gaya ng mga hindi pa nareresolbang problema sa bigas, langis, inflation rate, war on drugs at isdang galunggong na may “formalin” na inangkat natin mula sa China.
Kahit na tinatawanan lamang ni Trillanes ang naging pagkilos na ito ni Pangulong Duterte, ay mukhang ‘di ito nagbibiro sa kanyang sinasabi at ginagawa.
Sa mga pangyayaring ito, muli tuloy pumasok sa aking isipan ang isang natutuhan ko sa aking Political Science Class na sa wari ko’y may katuturan sa mga nagaganap ngayon: “Kung sino ang may hawak ng kapangyarihan, ay siyang nagiging tama ano man ang mangyari.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.