Inaasahang madadagdagan pa ang nasa 840 pasahero na stranded kahapon sa Bicol at Eastern Visayas, dahil sa masamang panahon na dulot ng bagyong ‘Ompong’.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Capt. Armand Balilo, hindi pinayagang maglayag ang lahat ng sasakyang pandagat sa Central Visayas, Cebu, at Bohol.

Habang isinusulat ang balitang ito, kabilang sa stranded ang mga pasahero sa Port of San Pascual, Pasacao Port, Tabaco Port, Bulan Port, Pilar Port, at Matnog Port sa Bicol; Balwarteco Port, San Isidro Port, at Jubasan Port sa Northern Samar; at Port of Daram sa Western Samar.

Inaasahang mararamdaman ang epekto ng Ompong hanggang sa weekend, ayon sa Philippine Atmo­spheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA).

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ngayong Biyernes, uulanin ang eastern section ng Northern Luzon, kabilang ang Isabela at Cagayan, habang magdudulot naman ng matinding pag-ulan ang bagyo sa buong Northern sa Sabado, bago mag-landfall sa Cagayan sa umaga.

Batay sa weather bulletin bandang 11:00 ng umaga kahapon, ang Ompong ay namataan sa 725 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes at pumipihit pa-Northern Luzon habang bumabagal pakanluran sa 20 kilometers per hour (kph).

Napanatili ng Ompong ang lakas nito sa taglay na hangin na 205 kph malapit sa gitna, at bugsong 255 kph sa pagpasok sa Philippine area of responsibility (PAR), nitong Miyerkules ng hapon.

“Sa ngayon parang lumiit na yung chance na maging super typhoon ito [Ompong], pero hindi natin iniru-rule out na may kaunting chance ito na maging super typhoon,” sabi ni PAGASA Assistant Weather Services Chief Dr. Rene Paciente.

“Posibleng ito na ‘yung peak niya, pero ‘wag magpapapakampante kasi bagyo pa rin ito at malakas pa rin ito bago mag-landfall, destructive pa rin ito,” ani Paciente.

Kahapon, itinaas ang storm warning signal No. 1 sa mahigit 20 lugar sa bansa, kabilang ang Batanes, Cagayan, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Isabela, Benguet, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, Nueva Ecija, Bulacan, Rizal, Laguna, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Northern Samar, Burias Island, at Ticao Island.

Mararamdaman din ang habagat hanggang sa Sabado sa Metro Manila, kung saan maaaring itaas sa signal No.1 ang storm warning signal.

-BETH CAMIA at ALEXANDRA DENNISE SAN JUAN, ulat ni Jun Fabon