Asahan na ang pagtaas ng presyo ng tinapay sa mga susunod na araw kasunod ng malaking taas-presyo sa harina sa merkado.

Dahilan ng mga panadero, tumaas ng P10-P30 ang presyo ng kada sako ng harina sa lokal na merkado bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng trigo sa pandaigdigang pamilihan.

Bukod sa harina, mataas din ang presyo ng asukal at iba pang sangkap sa paggawa ng tinapay, gayundin ang liquefied petroleum gas (LPG) na ginagamit sa pagluluto ng kanilang produkto, na pawang makaaapekto sa presyuhan ng tinapay.

Nakadagdag pa rin ang epekto ng mataas na palitan ng dolyar sa piso, na nagsara sa P53.94, dahil dolyar ang pambayad sa pag-aangkat o pag-i-import ng mga produkto.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa ngayon, naglalaro sa P690-P710 kada sako ang bentahan ng harina sa pamilihan.

Gayunman, hindi naman binanggit ng mga panadero kung magkano ang posibleng itataas sa presyo ng tinapay sa mga susunod na araw.

Sa halip na magtaas ng presyo, plano naman ng ilang panadero na bawasan na lang ang timbang ng kanilang panindang tinapay upang hindi mabigla ang mga customer.

Muli namang nanawagan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga manufacturer at negosyante na magpatupad ng price freeze ngayong “ber” months.

-Bella Gamotea