MAKASAYSAYANG nagsisimula ang administrasyon ng lahat ng naging pangulo ng Pilipinas kasama ng mataas na ekspektasyon at suporta mula sa mga mamamayan, hanggang unti-unting bumababa sa pag-usbong ng mga problema. Ilang araw bago ang kanyang inagurasyon noong Hunyo 2016, nakapagtala si Pangulong Duterte ng personal record high na plus-79 bilang trust rating sa survey ng Social Weather Stations (SWS) para sa ikalawang bahagi ng nasabing taon. Ang puntos na ito ay “excellent” sa pagtataya ng SWS.
Nagpatuloy ang pagtanggap ng Pangulo ng “excellent” sa sumunod na apat na survey. Sa pagpatak ng ikaanim na survey sa huling bahagi ng Disyembre, 2017, bumaba sa +75 ang kanyang trust rating. Muli itong nabawasan sa +65 nitong Marso 2018. At nitong Linggo, sa pinakabagong tala ng survey para sa Hunyo 2018, lalo pa itong bumagsak sa +57.
Sa kabila ng tatlong sunod na pagbaba ay nanatiling “very good” ang rating ng Pangulo, ayon sa SWS. Higit na mas maayos ito kumpara sa mga naging puntos ng ilang nakalipas na pangulo, na bumaba pa sa higit +6 isang beses sa panahon ng administrasyong Arroyo at +5 sa panahon ng administrasyong Estrada.
Gayunman, kailangang magsikap ng mga lider ng administrasyon upang matukoy ang dahilan ng patuloy na pagbagsak ng trust rating ng Pangulo sa loob ng tatlong bahagi—siyam na buwan simula noong Disyembre, 2017. Bago ang pagbaba, pumasok ang administrasyon sa malawakang kampanya laban sa ilegal na droga, na nagtala ng libu-libong ulat ng pagpatay sa proseso ng kampanya na pinangunahan ng Philippine National Police, hanggang sa palitan ito ng Philippine Drug Enforcement Administration. Ngunit sa mga panahong ito, nanatiling “excellent” ang trust rating ng Pangulo, kung gayo’y hindi salik ang kampanya sa ilegal na droga sa survey.
Marahil, ang kritikal na salik ay ang pagtaas ng mga presyo—inflation kung tawagin ng mga ekonomista—na nagsimula bandang Enero nitong taon. Marami pang suliranin ang umusbong sa mga sumunod na buwan, kabilang dito ang bilyong pisong halaga ng naipuslit na droga, ang hakbang na kanselahin ang nakatakdang 2019 midterm election upang magbigay daan sa pagbuo ng bagong konstitusyon para sa pederalismo, ang mga kaso ng pagpatay sa ilang pari, ang malawakang kampanya ng pulisya na nagresulta sa pagkakahuli ng libu-libong tambay. Ngunit sa lahat, ang pagsirit ng presyo ang nakaagaw ng atensiyon ng publiko. Sa isang pag-aaral, itinala ng mga tao bilang kanilang pangunahing pangamba ang presyo ng mga pangunahing produkto, mababang sahod, at kawalan ng trabaho—lahat ay suliraning pang-ekonomiya.
Mayroong mahahalagang suliranin ang kailangan pang tugunan mismo ng administrasyon—ang ating karapatan sa South China Sea, ang ating pangangailangan na mapalakas ang puwersa ng militar, ang ating pakikipag-ugnayan sa Estados Unidos, Russia, China at iba pang mga bansa, ang paghinto ng usapang-pangkapayapaan kasama ng mga New People’s Army, ang mga bagong ulat ng karahasan sa Mindanao at marami pang iba. Sinalanta rin tayo ng ilang serye ng mga pagbaha mula sa habagat na pinalalakas ng mga bagyong nagmumula sa Pasipiko.
Sa lahat ng mga suliraning ito, naging mahusay sa pagtugon ang Pangulo at ang kanyang mga kasamahan. Ngunit ipinapakita sa pinakabagong tala ng survey ang patuloy na pagbaba ng trust rating ng Pangulo. Maipapalagay lamang natin na nararamdaman ng mga tao—higit sa epekto ng maraming isyung ito—ang mga problema sa ekonomiya na pinalala ng naitalang inflation, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado, na nakaaapekto sa araw-araw na pamumuhay ng kanilang mga pamilya.