Pinayuhan kahapon ng state weather bureau ang publiko na paghandaan ang malakas na ulan at hangin na idudulot ng pananalasa ng posibleng maging super typhoon na ‘Mangkhut’ (international name), na magpapaigting din sa habagat, sa mga susunod na araw.
Sinabi kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na patuloy ang monitoring nito sa Mangkhut, na tatawaging ‘Ompong’ kapag pumasok sa bansa at ganap na naging bagyo, na inaasahan nitong Miyerkules ng hapon.
Sa press briefing kahapon, sinabi ni Department of Science and Technology (DoST) Undersecretary for Disaster Risk Reduction and Climate Change Dr. Renato Solidum Jr. na inaasahang lalakas pa ang Ompong pagpasok sa kanlurang bahagi ng Philippine area of responsibility (PAR).
“Mas lalakas pa ang bagyo, may malakas na hangin na maaaring magdulot ng storm surge; may malakas na ulan na posibleng magdulot ng pagbaha o landslide. Ito pong mga hazards na ito ay dapat paghandaan ng ating mga kababayan,” sabi ni Solidum.
“Ito ay kailangang tutukan natin nang mabuti, dahil ito na so far ang pinakamalakas na bagyo na dadaan sa ating bansa ngayong taon,” babala ni Solidum. “Sikapin po natin na ito ay paghandaang mabuti.”
Batay sa weather forecast kahapon ng tanghali, namataan ang Mangkhut sa 1,190 kilometro sa silangan ng hilaganmg silangan ng Guiuan, Eastern Samar, at patuloy na kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kilometers per hour (kph).
Ang bagyo, na may lawak na 900 kilometers in diameter, ay lumakas pa at ang dalang hangin ay aabot sa 205 kph, habang ang bugsy ay nasa 255 kph.
Ayon kay Chris Perez, senior weather specialist ng PAGASA, nananatiling Northern Luzon ang tinutumbok ng Mangkhut, bagamat maaari itong dumaan sa Cagayan-Batanes area sa Sabado.
Sinabi ni Perez na pinaiigting ng papalapit na si Mangkhut ang habagat, na nakaaapekto naman sa Palawan, at sa kanlurang bahagi ng Visayas at Mindanao.
Nagbabala rin si Perez ng matinding pag-uulan, malakas na hangin, at storm surges sa Cagayan at Isabela sa Biyernes, at sa Northern Luzon sa Sabado.
Kinumpirma naman ni PAGASA Administrator Dr. Vicente Malano na totoong may posibilidad na umabot sa super typhoon category ang Mangkhut.
“Maaaring aabutin na maging super typhoon kasi five kilometers per hour na lang ang diperensiya para ma-classify as super typhoon,” ani Malano.
Sinabi naman ni Malano na kahit hindi umabot sa super typhoon category ang Mangkhut ay matindi pa rin ang pinsalang idudulot nito, kaya mahalagang paghandaan ito.
Kaugnay nito, nakataas na ang alerto ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng inaasahang pananalasa ng bagyo.
Bagamat hindi direktang maaapektuhan ng bagyo ang Metro Manila, naikasa na rin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga kaukulang paghahanda.
Naihanda na rin ang Department of Social Welfare and Development (DILG) ang P800-milyon standby funds para ayudahan ang mga maaapektuhan ng bagyo.
Samantala, sama-samang nananalangin ang mga lider ng Simbahang Katoliko para sa kaligtasan ng mga naninirahan sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng Mangkhut.
Nagpahayag na rin ng kahandaan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, pangulo ng Caritas Internationalis, na tumulong sa mga maaapektuhan ng bagyo.
-ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN, ulat nina Fer Taboy, Beth Camia, Bella Gamotea, at Mary Ann Santiago