HANDA na ba kayo?
Simula pa noong Lunes ay sunud-sunod na ang abiso ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA hinggil sa paparating na super typhoon na may international name ‘Mangkhut.’
Sa pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) na inaasahang magaganap bukas (Biyernes), tatawagin naman itong Bagyong Ompong.
Sa taya ng PAGASA, malawak ang lugar na maaapektuhan ng super typhoon kaya’t maya’t maya pagpapapalabas ng babala ng weather agency sa publiko.
Inaasahang may dala itong hanging may bilis na 230 kilometro kada oras. Dahil dito, pinangangambahang aabot sa Alert Level 4 ang ipalalabas ng mga weather expert simula bukas.
Sa kabila nito, marahil ay nakararanas pa rin ang maraming lugar sa bansa ng magandang panahon hanggang sa mga oras na ito.
Subalit ‘wag po tayong pawarde-warde lang dahil sa simula nang pagbuhos ng ulan ay baka magulantang na lang tayo sa matinding perwisyo na kakambal ng super bagyo.
Naisip-isip n’yo na ba kung saan ninyo dapat iparada ang inyong sasakyan sakaling tumaas ang baha sa inyong lugar?
Ininspeksiyon n’yo na ba ang mga pinagpakuan sa bubungan ng inyong bahay upang tiyakin na walang yero ang matatangay ng malakas na hangin?
Handa na ba ang baterya ng mga flashlight at kandilang gagamitin sakaling mawalan ng kuryente?
At higit sa lahat, mayroon ba kayong sapat na supply ng pagkain sakaling hindi makapagbukas ang mga tindahan sa palengke dahil sa pananalasa ng bagyo?
Hindi po naman namin kayo nais gawing praning subalit iba na rin po ang palaging handa.
Batid nating lahat na malaki na ang pagbabago sa weather pattern sa ating bansa bunsod ng climate change kaya dapat ay praktisado na tayo sa ganitong uri ng kalamidad.
Nangangamba po si Boy Commute dahil hanggang sa sinusulat ang kolum na ito, patuloy pa rin ang pagpo-post ng ilang mga netizen hinggil sa kanilang plano sa weekend.
Mayroong tuloy ang barkadahan, mayroon din pong susugod pa rin sa mga probinsiya upang bisitahin ang kanilang mga kamag-anak.
Malinaw ang tagubilin ng PAGASA sa mga mamamayan: Stay put!
Kaya habang hindi nakalalabas ng bansa ang bagyong Ompong ay ‘wag muna tayong pakalat-kalat sa mga lansangan.
Ganu’n din po ang panawagan ni Boy Commute sa mga pampublikong sasakyan. Huwag po nating ibuwis ang ating buhay sa konting kikitain sa kasagsagan ng kalamidad.
Sabay-sabay din po tayong manalangin sa Diyos na wala sanang masaktan sa pagdaan nitong super typhoon.
Amen!
-Aris Ilagan