INAMIN ni Top Rank chairman Bob Arum ang pagkakaantala sa pagbayad kay Manny Pacquiao, ngunit inaayos na umano ito matapos mabinbin sa kakulangan ng dokumento.
Sa panayam ng ESPN nitong Martes (Miyerkules sa Manila) sinabi ni Arum, dating promoter ng eight-division world champion, na ang isyu sa pagbabayad ay nabinbin lamang.
“We read the Instagram post and [Top Rank attorney] Harrison [Whitman] handled it with Pacquiao’s attorney, and it looks like everything will be resolved,” pahayag ni Arum.
Ikinatwiran ni Arum sa ESPN na nabigo si Pacquiao na lagdaan at ibalik sa Top Rank ang kontrata sa laban nila ni Lucas Matthysse nitong Hulyo.
Nagbanta si Pacquiao na dadalhin sa korte ang usapin sakaling mabigo si Arum na magbayad sa kanyang kinita mula sa pay-per-view.
Sinimulan ni Pacquiao ang paghahabol kay Arum sa kanyang Instagram post kung saan binati niya si Arum matapos ang bagong pitong taong kontrata ng Top Rank sa ESPN.
Sinundan niya ito ng pahayag na hanggang ngayon ay hindi pa niya natatangap ang tamang kinita sa pay-per-view sa US sa laban niya kay Matthysse na naipalabas din sa ESPN+ nitong Hulyo 15.
Sinabi ni Pacquiao na handa siyang magdemanda laban kay Arum dahil sa kabiguan nitong magbayad, gayundin ang ‘attempt to restrict my future rights.”