Tinanggihan ng Supreme Court kahapon ang kahilingan ni Senator Antonio Trillanes IV na mag-isyu ng temporary restraining order na pipigil sa pagpapatulad sa Proclamation No. 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang-bisa sa amnestiyang ipinagkaloob sa senador noong 2010 at ipinag-utos ang pag-aresto at pagkulong sa kanya.
Sa halip, nagpasya ang SC – sa full court session nito – na obligahin ang Executive Department, sa pamumuno ni Executive Secretary Salvador Medialdea at si Defense Secretary Delfin Lorenzana, na magkomento o sagutin sa loob ng 10 araw ang petisyon ni Trillanes na humahamon sa constitutionality ng proclamation.
Sa pagtanggi sa hiling na TRO o preliminary injunctive relief ni Trillanes, binanggit ng SC ang “categorical pronouncement of President Duterte that Senator Trillanes will not be apprehended, detained or taken into custody unless a warrant of arrest has been issued by the trial court, and, thus, there is no extreme and urgent necessity for the Court to issue an injunctive relief considering that the respondents have acknowledged Senator Trillanes’ right to due process.”
Idiniin din ng SC na “it is appropriate that the Makati RTCs should be given leeway in exercising their concurrent jurisdiction to hear and resolve the pleadings/motions filed by the parties as regards the legality of Proclamation No. 572, Series of 2018.”
NANINIGURO
Sa kabila nito, nais pa ring makatiyak ng kampo ni Trillanes na hindi siya arestuhin, kaya’t mananatili pa rin siya sa Senado hangga’t hindi nila napag—aaralang mabuti ang desisyong inilabas ng SC.
“We have to digest it to make sure that we are on the same pitch, we will decide later kung dito muna ako o uuwi na,” ani Trillanes.
Umaasa rin siya na igagalang ni Duterte ang desisyon ng SC.
“We are gratified with the decision of the Supreme Court. I think it is one of the best outcomes that we could hope for under the circumstances,” sinabi Reynaldo Robles, abogado ni Trillanes.
NASAAN ANG KOPYA?
Samantala, sinabi kahapon ni Lorenzana na nakikipagpulong sila mga miyembro ng Ad Hoc Committee na nagsumite ng rekomendasyon na nagkaloob ng amnestiya kay Trillanes para matukoy kung nasaan ang kopya ng kanyang application for amnesty.
Sa isang panayam, kinumpirma rin ni Lorenzana na tinawagan siya sa telepono ni Solicitor General Jose Calida noong Agosto 6, 2018, para personal na hilingin ang amnesty records ni Trillanes ngunit ang tanging nakuha ng kanyang staff nang sumunod na araw (Agosto 17, 2018) ay ang kopya ng Proclamation 75, ang kopya ng Ad Hoc Committee on Amnesty na nilagdaan ni dating Defense Secretary Voltaire Gazmin, at certification na ang application for amnesty ni Trillanes ay hindi makikita sa Department of National Defense (DND) o sa Genera Headquarters (Camp Aguinaldo).
“If it was filed then it must be somewhere,” aniya.
-REY G. PANALIGAN, LEONEL M. ABASOLA at FRANCIS T. WAKEFIELD