Naka-blue alert na ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Operations Center habang patuloy ang isinasagawang monitoring sa lagay ng panahon kasabay ng mga paghahanda para sa bagyong ‘Neneng’ at sa papalapit sa bansa na bagyong Mangkhut (international name).

ALERTO SA BAGYO Itinuturo kahapon ng weather forecaster ang posisyon ng posibleng super typhoon na may international name na ‘Mangkhut’, sa tanggapan ng PAGASA sa Quezon City. Kapag naging bagyo sa bansa, tatawagin itong ‘Ompong’. (MARK BALMORES)

ALERTO SA BAGYO Itinuturo kahapon ng weather forecaster ang posisyon ng posibleng super typhoon na may international name na ‘Mangkhut’, sa tanggapan ng PAGASA sa Quezon City. Kapag naging bagyo sa bansa, tatawagin itong ‘Ompong’. (MARK BALMORES)

Bandang 5:00 ng hapon nitong Lunes nang itaas ng NDRRMC ang blue alert status, kasabay ng pakikipagpulong ng mga opisyal ng ahensiya sa mga kinauukulang ahensiya para sa mga ginagawang paghahanda, partikular sa Mangkhut, na posibleng maging super typhoon.

Lumabas na sa bansa ang Neneng kahapon ng umaga, habang kumikilos patungong katimugang China.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility (PAR) ang Mangkhut ngayong Miyerkules ng umaga, at tatawaging ‘Ompong’.

Hindi kinukumpirma ng PAGASA bilang super typhoon ang Mangkhut, bagamat may posibilidad na umabot sa 210 kilometers per hour (kph) ang lakas ng hangin nito, habang ang bugso ay aabot sa 260kph.

Tatahakin ng Mangkhut ang Cagayan-Batanes area bandang Sabado, at kahapon ay namataan may 1,845 kilometro sa silangan ng Southern Luzon na may lakas na hanging aabot sa 170 kph, at bugsong hanggang 210 kph, habang kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kph.

Katuwang ng NDRRMC sa mga paghahanda ang pulisya at Northern Luzon Command ng militar; ang mga lokal na pamahalaan, sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG), at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).

-FRANCIS T. WAKEFIELD at ALEXANDRA DENNISE SAN JUAN, ulat ni Beth Camia