SA gitna ng mga nakababahalang mga balita - ang nagpapatuloy na inflation, ang paghina ng piso sa pandaigdigang kalakalan, pag-atras ng mga dayuhang mamumuhunan ng kanilang mga pondo, ang pagbagsak ng Gross National Product (GNP) sa tatlong taon pagbaba ng anim na posiyento sa ikalawang bahagi ng taon—kailangan din nating bigyan ng pansin at hanapan ng pag-asa ang mga serye ng hakbang na isinasagawa ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan upang malutas ang malaking problemang na nag-uugat sa mataas at patuloy na tumataas na mga presyo, sa kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino.
Inisa-isa ni Presidential spokesperson Harry Roque ang ilan sa mga ito:
--Umaangkat na ang pamahalaan ng bigas upang mapunan ang supply. Binantaan ng Pangulo ang mga negosyante na sasalakayin ang kanilang mga imbakan upang ilabas ang kanilang mga itinatagong bigas.
--Binabalak ng pamahalaan na umangkat ng murang diesel sa mga bansang hindi miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) cartel.
--Tatatag ang piso pagpatak ng Disyembre kapag naabot na ng remittances ng mga overseas Filipino workers ang pinakamataas ngayong taon.
Sinabi naman ni Finance Secretary Carlos Domiquez III, chairman ng Economic Development Cluster ng gabinete na:
--Ipinag-utos na sa National Food Authority (NFA) ang agarang pagpapalabas ng nasa 4.6 milyong sako ng bigas sa mga pamilihan. Habang panibagong dalawang milyong sako ng bigas na una nang nakontrata ang mailalabas sa merkado sa pagtatapos ng Setyembre.
--Pinahintulutan na ng NFA Council ang pag-angkat ng panibagong limang milyong sakong bigas na inaasahang darating sa kalagitnaan ng susunod na buwan, gayundin ang pag-angkat ng panibagong limang milyong sako sa susunod na taon.
--Nagsimula na ang panahon ng anihan sa maraming bahagi ng bansa at inaasahang lampas sa 12.6 milyong tonelada o 252 milyong sako ang maaani ngayong 2018. Nakatakda ring ipamahagi ang mga angkat na isda sa mga palengke sa Metro Manila.
Naglabas ang Department of Social Welfare and Development ng nasa P4.3 bilyon sa Landbank para sa 1.8 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, bukod pa sa P24 milyong na nakatakdang ipamahagi sa 10 milyong mahihirap na pamilya. Nagkasundo naman ang pangunahing kumpanya ng petrolyo sa bansa na magbigay ng diskuwento para sa mga drayber ng mga pampublikong sasakyan.
Nakibahagi naman si Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa pagsisikap upang na magbigay ng katiyakan sa mga Pilipinong mamimili nang ibahagi nito na noong 2009, sa kanyang administrasyon, pumalo ang inflation sa 6.6% -- mas mataas sa kasalukuyang 6.4%—ngunit napahupa ang inflation ng maramihang pag-angkat ng bigas kasabay ng malawakang pagbili sa mga lokal na magsasaka.
Maging si Vice President Leni Robredo ay nag-ambag ng suhestiyon para matulungan ng mga tao ang kanilang sarili, at hindi lamang umasa sa aksiyon ng pamahalaan. Payo niya ang pagtatanim ng mga prutas at gulay sa mga bakuran. Ito ang sinandalan ng maraming nakatatandang Pilipino sa mga probinsiya sa panahon ng kanilang pangangailangan, tulad noong digmaan.
Kumpiyansa tayo na patuloy na gagawa ng mga hakbang ang pamahalaan upang mapigilan ang pagtaas ng mga presyo sa pamilihan. Kung papalo sa $80 ang pandaigdigang presyo ng gatong kada bariles sa tatlong buwan, sususpindehin ng pamahalaan ang koleksiyon ng buwis sa diesel, bilang ito ang nakasaad sa TRAIN law; na sa ngayon ay $70 kada bariles. Pansamantala, inilalatag nito ang iba’t ibang hakbang na sumisiguro sa ating lahat.