UMAASA ang Philippine Sports Commission (PSC) na mabibigyan nang sapat na kaalaman at exposure ang mga kabataan na lalahok sa 2nd PSC Inter-Public Schools Volleyball Tournament simula ngayon sa Davao City National High School.
Iginiit ni PSC Commissioner Charles Maxey na kabuuang 32 koponan ang makikiisa sa torneo na naglalayong mabigyan nang pagkakataon ang mga batang volleyball enthusiast na maipamalas ang kanilang natatanging galing.
“Naka-focus tayo sa grassroots sports program, ito ang habilin ng Pangulong Duterte. Kaya as promised by Chairman William Ramirez walang maiiwan na kabataan na nais matuto at umangat sa sports,” sambit ni Maxey.
Ayon kay Karlo R. Pates, executive assistant ni Maxey, tig-walong koponan ang sasalang
sa elementary boys and girls and secondary boys and girls divisions.
“Mas madami ang ating mga kalahok ngayon dahil idinagdag na natin yung boys at secondary division,” pahayag ni Pates.
Nakalaan ang premyong P5,000, P4,000 at P3,000 para sa top three teams sa bawat kategorya sa toneo na itinataguyod ng PSC, sa pakikipagtulubngan ng Sports Development Division-City Mayor’s Office at Department of Education Davao City.