TRENDING kamakailan sa social media ang latest webisode ng Wanderjam ng Star Music, kung saan naging special guest ng singer na si Migs Haleco si Iñigo Pascual.
Sa nasabing webisode, binisita nila sa ospital ang 15-year old na si Arnie Espina, isang leukemia patient at avid fan ni Iñigo.
“Parang this gave me a sense of purpose why you are doing, what you are doing,” sabi ni Iñigo.
Dahil sa kanilang pagkikita, labis na kasiyahan ang naramdaman ni Arnie, na kahit ilang sandali ay nakalimutan ang kanyang sakit.
“Sobrang saya ko po. Hindi ko talaga maintindihan. Tapos, ayun, niyakap niya ako nang mahigpit na mahigpit, na parang ngayon lang nagkita. Sobrang saya ko po,” sabi naman ni Arnie nang kapanayamin sa kanilang bahay sa Sta. Rosa Laguna.
Naiyak at nag-uumapaw ang kaligayahan ni Arnie nang makita ang kanyang idol, na kinantahan pa ni Iñigo ng hit song nitong Dahil Sa ‘Yo.
“’Yun po ‘yung time na feeling ko wala akong sakit. ‘Yung ang saya-saya lang. ‘Yung time na ‘yun parang wala, sa sobrang saya po. ‘Yung time na ‘yun nanghihina ako, tapos dumating siya,” napaiyak nang kuwento ni Arnie.
Hindi naman inakala ni Iñigo na para sa kanya ay biglang naiba ang kahulugan ng kanyang kanta dahil sa naging epekto nito kay Arnie.
“When we sang together yung Dahil Sa ‘Yo, the song kind of had a different meaning. ‘Di ko inisip na ganun ‘yung meaning niya dati. Parang, woah, this is why I like to do music,” sabi pa ni Iñigo.
“Sometimes it’s good to see them in person, the people that you’re able to have an effect on. Kasi ‘di mo naisip minsan na ganun ang effect mo sa ibang tao. You were able to make them feel positive,” ani Iñigo.
Labis naman ang naging pasasalamat ni Arnie sa kanyang idolo at sa pamilyang nag-aaruga sa kanya.
“Thank you kasi nandiyan sila na sumusuporta sa akin tuwing nanghihina ako. Inaalalayan nila ako. ‘Yung kahit minsan, ako na lang mag-asikaso sa sarili ko, ayoko sila istorbohin, pero’ di sila umaalis sa tabi ko. Nagsasabi na ‘lalaban ka, huwag kang susuko’. Ayun po, lumalaban ako para sa kanila,” maluha-luhang sabi ni Arnie.
Buo ang loob ni Arnie na labanan ang kanyang sakit na leukemia, dahil gusto pa niyang tuparin ang pangarap niyang maging doktor.
Malaki ang papasalamat ni Arnie kay Iñigo na una nang nagbigay ng inspirasyon at tulong.
Nakikiusap naman ang nanay ni Arnie, na si Solita Espina, sa may mabubuting loob na tulungan ang kanyang anak, dahil tatagal pa ng isang taon ang gamutan sa karamdaman ni Arnie.
-ADOR SALUTA