ANG mga atletang Pilipino, gaya ng ating mga Overseas Filipino Worker (OFW), ay mga bagong bayani ng bansa. Sa kabila ng mga pagsubok at problema, nagagawa pa rin nilang magbigay ng karangalan sa ating bansa sa kanilang pagsisikap at pagpupursige. Sa harap ng kurapsiyon at katiwalian, buong ningning nilang napatutunayan ang kanilang propesyunalismo at nagtatagumpay sa kani-kanilang larangan.
Nag-uwi ang 335 atleta, na naging kinatawan ng Pilipinas sa katatapos na 2018 Asian Games sa Indonesia, ng apat na gintong medalya, dalawang silver, at 15 bronze, at pumuwesto sa ika-19 sa kabuuan, na malaki na ang iniangat kumpara sa paglahok sa kaparehong kumpetisyon noong 2014.
Kung tutuusin, ang pagpuwesto sa ika-19 sa kabuuang 45 bansang sumali sa kumpetisyon ay hindi isang bagay na dapat na ipagdiwang. Subalit hindi biro ang mga paghamon na binuno ng ating mga atleta upang makipagpaligsahan nang may dignidad sa Asian Games.
May special mention, siyempre, sa apat na nag-uwi ng gintong medalya para sa Pilipinas. Ipinagmalaki natin ang pagiging Pilipino nang daigin ni Hidilyn Diaz ang kanyang mga katunggali sa 53 kilogram weightlifting competition. Ginto rin ang nasungkit nina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan, at Lois Kaye Go sa women’s golf, habang may hiwalay pang gintong medalya si Saso para sa women’s individual event. Kinubra naman ni Margielyn Didal ang ikaapat na ginto ng bansa nang mamayagpag siya sa skateboarding.
Ang kawalan ng pondo mula sa gobyerno, hindi maayos na pangangasiwa rito, awayan ng mismong mga opisyal ng sports associations, kakulangan ng mga pasilidad para sa training, kawalan ng pagpaplano, at kakapiranggot na allowance ang mga hamon na kinailangan nilang mapagtagumpayan. Kahanga-hanga na nagawa pa rin nilang bigyan ng karangalan ang mga Pilipino sa kabila ng mga problemang ito.
At gaya ng dati, matapos ang pagsali ng bansa sa anumang sporting event, susundan na ito ng sisihan at pagtuturuan. Tulad ng inaasahan, ang mga sports officials at pulitiko na mabilis na inangkin ang credit sa mga naging pagtatagumpay ng mga atleta, ay mas mabilis sa pagbubunton ng sisi kapag hindi natin nakamit ang inaasahan.
Sinisi ng ilan ang labis nating pagkahumaling sa basketball. Katwiran nila, sobra-sobra ang atensiyong ibinigay natin sa basketball kaya nakaligtaan na ang iba pang sports. May bahid naman ito ng katotohanan. Ang Pilipinas ay totoo namang basketball-obsessed.
Sa halos lahat ng sulok ng mga lansangan sa bansa ay mayroong basketball court (ang ilan ag ipinasadya pa talaga, habang ang iba ay ginawan na lang ng paraan). Baliw na baliw din ang maraming Pilipino sa pagtutok sa final games ng PBA at NBA. Labis nating hinahangaan ang mga basketball superstars, at malaki ang ibinabayad sa kanila. Masyado nga ba ang atensiyong ibinibigay natin sa basketball? Totoo. Subalit hindi ito ang ugat ng problema ng palakasan sa Pilipinas, kundi sintomas ng mas malaking problema.
Wala tayong pinagkakaisahan at komprehensibong sports development plan na magpapahintulot sa atin upang buong husay na ma-develop ang iba pang sports sa pangkalahatan. Ang golf, boksing, football, tennis, weightlifting, at iba pang sports ay hindi masyadong tinatangkilik ng mga Pinoy, pero mahalagang matutukan din ang mga ito.
Ang pagpapasigla sa palakasan sa Pilipinas ay dapat na magsimula sa sektor ng mahihirap. Mahalagang makapagbuo tayo ng mga programa sa mga pampublikong paaralan upang buhayin ang interes ng kabataan sa iba pang sports. Nangangahulugan ito na ang Department of Education (DepEd), ang Philippine Sports Commission, ang National Sports Associations, at ang pribadong sektor ay kailangang magbaha-bahagi ng kani-kanilang pondo upang magkaloob, hindi lang ng mga pasilidad, kundi maging ng suportang teknikal sa mga pampublikong eskuwelahan.
May dahilan kung bakit napanatili ang popularidad ng basketball sa bansa—ang bawat Pilipino ay namulat sa paglalaro nito, at paghanga sa nasabing sports. Madali rin para sa kanila ang maglaro ng basketball sa improvised basketball court malapit sa kanilang bahay. Nilalaro rin nila ito sa eskuwelahan. Pinapanood din sa TV, at doon natututuhan ang lahat ng tungkol sa laro. Ito rin ang kaparehong estratehiya na dapat gawin upang mapasikat din ang iba pang sports.
Kailangang gawing prioridad ng gobyerno ang sports development, dahil ang palakasan ay hindi lang tungkol sa kumpetisyon at medalya. Pinagmumulan din ito ng pagmamalaki natin bilang isang bansa sa pagtatamo ng karangalan para sa Pilipinas. Naaalala n’yo ba kung paanong nagkaisa ang buong bansa para kina Manny Pacquiao, Elma Muros, Lydia De Vega, Paeng Nepomuceno, Efren Reyes, Hidilyn Diaz, at ng iba pang ginawa ang lahat ng kanilang makakaya para sa ating bandila?
Dine-develop din ng sports ang malusog na pamumuhay at epektibong disiplina. Maraming pakinabang ang isang mahusay na sports program sa barangay level upang suportahan ang kampanya laban sa obesity, paigtingin ang kakayahan ng kabataan sa pamumuno, at pigilan ang paggamit at pagkagumon sa ilegal na droga.
Marami tayong mahuhusay na atleta na labis na nagmamahal sa ating bansa. Ang kailangan lang natin ay game plan.
-Manny Villar