Iniulat kahapon ng Department of Health (DoH) na nasa 30 apektado ng HIV/ AIDS sa bansa ang pumanaw noong Hulyo 2018.

Batay sa July 2018 HIV/AIDS & ART Registry of the Philippines, na inilabas ng National Epidemiology Center (NEC) ng DoH, may 859 na bagong kaso ng HIV/AIDS infection sa bansa sa nasabing buwan lang.

Sa 30 namatay sa naturang sakit ay 28 ang lalaki. Ang isa sa mga nasawi ay wala pang 15-anyos, habang tatlo ang nasa 15-24 anyos; 15 ang edad 25-34; siyam ang nasa 35- 49 anyos lang; at dalawa ang nasa 50 taong gulang pataas.

Sa ngayon, umaabot na sa 2,735 sa kabuuan ng may HIV/AIDS sa bansa ang namatay, simula noong Enero 1984 hanggang Hulyo 2018.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Sinabi naman ng DoH na sa 859 na bagong nahawahan ng HIV/AIDS, 193 ang nasa advanced infection na, 801 ang lalaki, at 58 ang babae.

Dalawa sa mga bagong nahawahan ay bata, o 15 anyos pababa; 240 ang nasa 15-24 age group; 430 ang edad 24-34; 164 ang nasa 35-40 anyos; at 23 ang 50 taong gulang pataas.

Pito sa mga bagong nahawahan ay buntis nang matuklasang may sakit sila, kabilang ang apat na taga-Metro Manila, at at tig-iisa sa Regions 1, 7 at 11.

Pinakamaraming naitalang bagong kaso ng sakit sa NCR, na umabot sa 31 porsiyento sa kabuuang 264 na kaso.

Nananatili namang ang pakikipagtalik ang predominant mode ng transmission ng sakit sa 98% o 841 kaso.

-Mary Ann Santiago