SA kalendaryo ng ating panahon at kasaysayan, ang buwan ng Setyembre ay masasabing natatangi sapagkat hitik ito sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan na naganap sa ating bansa. At naging bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas sapagkat ang kagitingan at kabayanihan ng ating mga bayani ay naging inspirasyon at nagpatingkad ng pagmamahal sa bayan. Mababanggit at lantay na halimbawa ang nangyari sa kasaysayan noong ika-
12 ng Setyembre, 1896—ang kabayanihan ng 13 martir ng Cavite na lalong nakilala sa tawag na Trece Martires ng Cavite.
Ayon sa kasaysayan, ang Trece Martires ng Cavite ay sabay-sabay na pinatay sa pamamagitan ng firing squad. Naganap ang pagpatay sa harap ng Fort San Felipe noong Setyembre 12, 1896. Isang mahalagang pangyayari ito sa kasaysayan na mahalagang muling alalahanin sapagkat pinag-alayan ng sakripisyo, dugo at buhay ng labintatlong makabayang taga-Cavite, alang-alang sa kalayaan na tinatamasa at inaalagaan natin ngayon.
Ang kabayanihan ng Trece Martires ng Cavite ay isang inspirasyon ng pagmamahal sa bayan at kalayaan. Ito ay maaaring makatulong sa marami nating kababayan, lalo na sa mga nasa pamahalaan, upang magising at magkaroon sila ng sense of history at sense of nationalism, dahil marami sa kanila ay maputla o anemic ang pagmamahal sa bayan.
Ang Trece Martires ng Cavite, na ang pinakamatanda ay 64 na taong gulang at 31 anyos naman ang pinakabata, ay dinakip ng mga Kastila noong Setyembre 11, 1896 matapos isumbong ng isang babaeng mananahi na ang 13 martir ay nagbabalak na maghimagsik laban sa mga Kastila.
Ang sumbong ay sinabi ni Victoriana Sayat kay Donya Victorina Crespo, asawa ni Governor Fernando Panga na siya namang nagsabi sa gobernador.
Ang Trece Martires ng Cavite ay sina Maximo Inocencio, isang kontratista; Jose Llana, isang sastre; Eugenio Cabezas, miyembro ng Katipunan at mason; Maximo Gregorio, isang doktor at kasapi ng Katipunan; Severino Lapedario, miyembro ng Katipunan at jail warden ng provincial jail; Alfonso de Ocampo, isang dating sundalong Kastila; Francisco Osorio, isang Tsino; Antonio de San Agustin, doktor-negosyante at isa ring mason; Luis Aguado, isang empleyado at mason; Agapito Conchu, isang public school teacher, pintor, musician, photographer; Victoriano Luceno, pharmacist, makata at mason; at si Feliciano Cibuco, pinakabata sa mga martir, isang empleyado at mason. Sila’y walang awang pinahirapan kasama ang iba pang rebulusyornayong tulad ni Maestro Julian Felipe, ang sumulat ng ating Pambansang Awit.
Matapos ang paglilitis ng Korte Militar ng Kastila sa Trece Martires ng Cavite noong umaga ng Setyembre 11,1896 at mahatulan ng kamatayan ang mga nabanggit sa pamamagitan ng firing squad, sila’y hindi man lamang binigyan ng pagkakataon na makita ng kanilang pamilya sa huling sandali ng kanilang buhay.
Ang lahat ng may kaugnayan sa kanilang paglilitis at naging kapalaran ay inilihim ng mga Kastila. Sabay-sabay silang pinagbabaril sa harap ng Fort San Felipe noong tanghali ng ika-12 ng Setyembre,1896.
Ang mga bangkay ng Trece Martires ng Cavite na tadtad ng bala ay isinakay sa isang kariton na hila ng isang kalabaw. Pagkatapos ay inihulog sa isang karaniwang hukay (mass grave) sa sementeryo ng Katoliko ng Caridad, Cavite.
Isa nang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng iniibig nating Pilipinas ang kabayanihan at kamataan ng Trece Martires ng Cavite. At sa mga nagmamahal sa Kalayaan ng ating bansa, ang mga alaala at nagawa nila ay isang buhay na inspirasyon ng pagiging makabayan at ng kabayanihan. Buhay ang alaala ng Trece Martires ng Cavite sapagkat ang taguri sa kanila ay isa nang pangalan ng bayan sa makasaysayang lalawigan ng Cavite.
-Clemen Bautista