Ganap nang naging bagyo ang low pressure area (LPA) na unang namataan sa Basco, Batanes at tinawag itong ‘Neneng’, at inaasahang magdudulot ng malakas na pag-uulan sa Northern Luzon.

Sa weather forecast ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Biyernes, ang sentro ng bagyo ay nasa 120 kilometro sa hilaga ng Basco, at may lakas ng hanging aabot sa 45 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at may bugsong hanggang 60 kph, habang kumikilos patimog-katimugang kanluran sa bilis na 10 kph.

Inaasahan namang lalabas na sa bansa ang Neneng ngayong Martes.

Kasabay nito, kinumpirma ng PAGASA na isang posibleng super typhoon ang masusi nitong mino-monitor sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) habang kumikilos papalapit sa bansa.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Natukoy ang bagyong ‘Mangkhut’ (international name) sa 2,440 kilometro sa silangan ng Southern Luzon na may lakas ng hanging aabot sa 140 kph at bugsong nasa 170 kph, habang kumikilos pakanluran sa bilis na 30 kph.

Kapag pumasok na sa bansa sa Miyerkules o Huwebes at ganap na maging bagyo, ang Mangkhut ay tatawaging ‘Ompong’ at inaasahang magpapaulan sa Cagayan at Batanes sa Sabado, na tinatayang hihina habang papalabas ng bansa sa Sabado o Linggo.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Gener Quitlong, weather specialist ng PAGASA, na maaaring lumakas ang Mangkhut gaya ng super typhoon ‘Jebi’, na nanalasa sa Japan noong nakaraang linggo.

-Alexandria Dennise San Juan