Bumuo ang Philippine National Police (PNP) ng isang top-level investigating group na magsisiyasat sa pagpatay sa mga lokal na opisyal sa bansa.
Inihayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na ang hakbangin ay upang mapabilis ang imbestigasyon at paghahanap ng solusyon sa mga kontrobersiyal na pagpaslang sa mga lokal na opisyal.
“This will closely monitor and facilitate national level coordination of all investigative efforts by the different PNP Units, Offices and Special Investigation Task Groups (SITG) involved in the investigation of incidents of involving local chief executives,” pahayag ni Albayalde.
Tinawag na National Investigation Task Group, itinalaga ni Albayalde bilang pinuno ng grupo si Director Elmo Francis Sarona, ang kasalukuyang head ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM).
Nasa anim na mayor at 11 vice mayor na ang napatay simula nang maupo sa kanyang posisyon si Pangulong Duterte noong Hulyo 2016, ang huli ay si Ronda, Cebu Mayor Mariano Blanco na binaril mismo sa loob ng kanyang opisina ilang hakbang lamang ang layo sa local police station.
Prioridad ng NITG, ayon kay Albayalde ang mga kaso ni Blanco, ng vice mayor nitong si John Ungab; nina Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili; Gen. Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote; at Trece Martires City, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan.
-Aaron Recuenco