AYON kay Pangulong Duterte, may pinagsamang hakbang ang tatlong grupo para patalsikin siya sa puwesto sa Oktubre. “Tatlo ‘yan bantayan ninyo. ‘Yang Yellow, Liberal (Party), Trillanes, pati ang politburo (mga komunista),” sabi ng Pangulo.
Nilinaw naman ni Vice President Leni Robredo na hindi nakikipag-usap ang LP sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF). “Wala kaming koneksiyon sa CPP. Ni mag-usap, wala, kahit anong klaseng pag-uusap. Alam naman natin iyon parang role of the CPP sa lipunan. Sila ay nag-e-exist independently of any political party. Maraming paniniwala na hindi pareho,” pahayag ni Robredo.
Itinanggi naman ni Senador Francis Pangilinan, pangulo ng LP, ang pahayag ng Pangulo na sumapi na si Sen. Trillanes sa LP upang matuloy ang planong pagpapatalsik sa kanya. Si Trillanes ay aktibong miyembro ng Nacionalista Party (NP) na ngayon ay nakipag-alyansa na sa Hugpong ng Pagbabago, ang umano ay partidong pangrehiyon na itinatag ng anak ng Pangulo na si Davao Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sa rami ng ginawang kapalpakan ng administrasyong Duterte, marami na siyang nakikitang kaaway. Pinagbintangan nga niya ang Central Intelligence Agency (CIA) ng Amerika na papatay sa kanya.
Sa totoo lang, naririndi na siya sa dami ng problema ng bansa na hindi na niya kayang malunasan. Tama si Sen. Pangilinan, “Ang kanyang sarili, dahil sa kurapsiyon at walang kakayahan, ang gobyerno ay magaling na gumaganap ng kanyang tungkuling i-destabilize ang sarili,” sabi niya.
Kung tataluntunin natin ang pinakadulo ng lahat ng nangyayaring ito sa ating bansa, ang dahilan ay kredibilidad o sinseridad ng Pangulo sa pagpapatupad niya ng kanyang mga programa. At ito ang matapang ni tinibag ni Sen. Trillanes kaya nais niya sanang maisahan ito kahit sa anong paraan.
Higit akong nainiwala na inutusan niya si SolGen Calida na gumawa ng paraan para sa layunin niyang ito. Tama man o mali, pinaniwalaan niya si Calida na puwedeng bawiin ang amnestiyang iginawad dito ni dating Pangulong Noynoy. Tingnan ninyo ang kanyang Proklamasyon 572.
Pagkatapos niyang bawiin ang amnestiya ni Trillanes batay sa teknikalidad, inatasan niya ang pulisya at militar na dakpin agad ito. Mabuti na lamang at nanindigan ang Senado sa kapangyarihan nito bilang malaya at hiwalay na sangay ng gobyerno at hindi pinahintulutan na papasukin ang mga darakip sa Senador. Paano kung nasa labas ng Senado si Trillanes, nakulong sana siya habang ipinaglalaban ang kanyang karapatan?
Sabi ng Pangulo, “corruption must stop.” Ayaw naman niyang pabulaanan sa pamamagitan ng paglagda ng waiver ang sabi-sabing mayroon siyang dalawang bilyong pisong tagong yaman sa bangko.
Ito ang dahilan kung bakit sa dami ng napatay sa war on drugs ng Pangulo, ay patuloy pa rin ang pagpasok ng mga ilegal na droga sa ating pantalan at paliparan.
Ito rin ang dahilan kung bakit ang National Food Authority (NFA) at Department of Agriculture (DA) ay inunang bayaran ang utang kaysa umangkat ng bigas.
Ito rin ang dahilan kung bakit walang magawa ang gobyerno para maampat ang presyo ng mga pangunahing bilihin at pangangailangan.
-Ric Valmonte