LALO pang lalala ang traffic sa Metro Manila bago ito tuluyang bumuti. Kailangan nating tanggapin ang katotohanang ito habang inihahanda ng gobyerno ang pagsasara ng dalawa pang tulay para sa pagpapalawig at pagsasaayos simula sa Setyembre 15.
Nakatakdang isara sa Sabado ang Old Sta. Mesa Bridge, na kilala ng maraming motorista bilang Lambingan Bridge, mula sa distrito ng Sta. Ana sa hilaga ng Maynila papuntang San Juan at Mandaluyong, upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng Skyway extension. Muli itong bubuksan sa Abril, 2019.
Isasara rin ang Mabini Bridge, dating tinatawag na Nagtahan, na nagdudugtong sa bahagi ng Sta. Mesa at paligid ng timog na bahagi ng Malacañang patawid ng Ilog Pasig tungong Paco. Papuntang hilaga, dumadaan ito sa Nagtahan Flyover patungo sa matrapik na bahagi ng Espana Boulevard. Inaasahang aabutin ng apat na buwan ito hanggang Enero 2019.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jose Garcia na mahalagang ianunsiyo ang pagsasara sa isang pulong-balitaan nitong Huwebes dahil sa matinding bigat na trapikong maaapektuhan. Higit 45,000 motorista ang gumagamit ng mga tulay na ito araw-araw. Inaasahang makakaapekto sa trapiko ang pagsasara hanggang sa hilaga ng Commomwealth Ave. sa Quezon City at sa malayong silangan sa EDSA.
Kahit isinara ang dalawang tulay na ito, dalawang bagong tulay naman ang itatayo patawid ng Pasig, na pinondohan mula sa ipinagkaloob ng China. Ito ang Binondo-Intramuros Bridge sa Maynila at ang Estrella-Pantaleon Bridge sa pagitan ng Makati at Mandaluyong.
Tinutulan ng Chamber of Commerce of the Philippine Islands ang Intramuros project na sinuportahan din ng National Historical Commission na nangangambang masira ang makasaysayang kapaligiran ng Intramuros, ngunit malapit nang simulan ang konstruksiyon ng lumabas ang mga pagtutol. Ang dalawang bagong tulay ay kabilang sa 12 planong itayo ng Department of public Works and highways sa Metro Manila.
Walang dudang malaki ang maitutulong ng mga bagong itatayong tulay at ang pagsasaayos at pagpapalawak ng mga lumang tulay upang matuldukan ang matinding trapik na nagluklok sa Metro Manila bilang isa sa “worst cities for motorists” sa buong mundo, na nagdudulot ng masamang epekto sa ekonomiya at buhay ng mga tao. Ngunit ang kailangan nating kaharapin ay ang nalalapit na malalang trapik kapag nagsimula na ang trabaho sa tulay ng Old Sta. Mesa at Mabini.
Palalalain ng pagsasarang ito ang nararanasang nang matinding trapik sa buong Metro Manila. Tulad ng dati panahon pa rin ito ng Pasko. Ngunit tiyak tayong handang tanggapin ng mga tao ang bigat at abala, lalo’t malinaw na kapag natapos na ang mga ito sa loob ng ilang buwan o higit pa, ang matagal nang problema sa matinding trapik ay magiging isa na lamang alaala.