Hindi napigilan ni Senator Cynthia Villar, chairperson ng Senate committee on agriculture, ang magalit nang itanggi ni Agriculture Secretary Manny Piñol na may “rice shortage” sa bansa, at sinabing sapat ang produksiyon ng pagkain.

Ayon kay Villar, imposible ang sinasabi ng kalihim dahil ramdam naman ng publiko ang mataas na presyo ng bigas at ng iba pang pangunahing bilihin.

Kasabay nito, pinuna kahapon ni Senator Risa Hontiveros ang pamahalaan dahil sa krisis sa bigas sa bansa, partikular ang paggiit ng pamahalaan na ligtas pa ring kainin ang mga bigas na binukbok.

“Bakit tayo umabot sa ganitong kalagayan? Bakit kailangang magtiis ang mamamayan sa bukbok na bigas? Bakit imbes na itaas ang kalidad ng pagkain sa bansa ay ‘tila pinipilit tayo na masanay sa mababang uri?” pagtatanong ni Hontiveros sa pagdinig kahapon sa budget ng Department of Agriculture (DA).

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Aniya, walang ibig sabihin ang pagkain ng mga opisyal ng pamahalaan sa bigas na may bukbok at sa paliwanag nila na hindi naman ito masama sa ating kalusugan dahil ang dapat daw na tinitingnan ay ang kung bakit tayo nasadlak sa ganitong problema.

“No matter how many cups of weevil-infested rice our public officials eat, no matter how safe they all claim it to be, our people shouldn’t have to endure eating this kind of food if only our government had done its job in ensuring the country’s food security. The government has thousands and thousands of sacks of rice and it just let it get infested? If this is not gross incompetence, I don’t know what is,” idinagdag pa ng senadora.

-Leonel M. Abasola