MULA sa pinamalas na highlight plays at clutch baskets, pinangunahan ni Jerrick Ahanmisi ang Adamson University sa kanilang 74-70 paggapi sa defending champion Ateneo de Manila nitong Linggo ng gabi, sapat para tanghalin siyang Chooks-to-Go/UAAP Press Corps Player of the Week ng kabubukas pa lamang na UAAP Season 81 men's basketball tournament.

Tinalo ng Filipino-Nigerian guard sina Juan Gomez de Liaño ng University of the Philippines, Dave Ildefonso ng National University at Arvin Tolentino ng Far Eastern University para sa weekly plum.

Walang duda na hindi maitatala ng Adamson ang nasabing opening weekend upset kung hindi sa effort na ipinakita ni Ahanmisi na nagtala ng 23 puntos, mula sa 8-of-17 shooting at 4 na rebounds.

Ang nasabing numero ng third-year swingman ay pinakamataas na offensive production sa unang dalawang araw ng torneo na kinabibilangan ng buzzer-beating halfcourt shot na nagbigay sa Adamson ng 40-39 na kalamangan sa halftime break.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang kanyang mga highlights performance ay umabot pa hanggang crunch time.

Tabla ang iskor sa 68-all, binigyan si Ahanmisi ng isolation play sa pagtawag ng timeout ni Adamson head coach Franz Pumaren at nag deliver naman ito sa pamamagitan ng isang clutch layup para ibigay sa kanilang team ang 70-68 na kalamangan may 1:09 pang natitira sa laban.

Mas naging makulay pa ang kanyang performance dahil nagawa nilang wakasan ang dominasyon sa kanila ng Blue Eagles sa nakalipas na dalawang season.

-Marivic Awitan