LIBRE palang inio-offer ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa lahat ng gustong mag-shooting ng pelikula o mag-taping ng teleserye ang iba’t ibang lugar sa kanyang lalawigan.
“Kami pa ang nakikipag-usap kung aling lugar o bahay na gagamitin nila sa taping o shooting,” sabi ni Gov. Imee, sa pakikipagtsikahan sa mga entertainment press.
“Kaya wala nang gagawin ang production maliban sa pumunta roon at mag-shooting o mag-taping sila. Kahit ang mga kailangan nila sa pagsu-shooting, kami na rin ang nag-aasikaso.”
Hindi nga malilimutan na ilang episodes sa pelikulang Panday ng yumaong Fernando Poe Jr. ang ginawa sa Ilocos Norte. Sa probinsiya rin nag-shooting ng Himala ni Nora Aunor, at hanggang ngayon ay nandoon pa rin ang nakaluhod na rebulto ng Superstar, na isang eksena sa iconic nang pelikula.
Dalawang beses ding ginawa sa lalawigan ang Temptation Island, habang ilang foreign films na rin ang nag-shooting sa ipinagmamalaking sand dunes ng Ilocos Norte.
“Nang matapos mag-taping doon ang Bagani ng ABS-CBN, pinakiusapan naming iwanan na nila ang set nila roon para magamit naming tourist attraction, at nakakatuwa dahil maraming pumupunta roon. Nakakatulong iyon sa income ng province at marami ring mga Ilocano na kumikita sa pagtitinda nila roon ng mga products namin.”
Dati pala ay nakakapanood pa ang gobernadora ng TV shows, tulad ng FPJ’s Ang Probinsiyano, pero nagsawa na raw siya sa panonood dahil hindi ito matapus-tapos.
“Kaya madalas sa Netflix na lang ako nanonood, lalo kung bumibiyahe ako kung saan-saan.”
Natanong si Gov. Imee kung napanood ba niya ang Crazy Rich Asians.
“Hindi pa, pero nabasa ko na ang book and it’s hilarious. I think it’s a real game changer. At least pasok na ang mga Southeast Asians sa Hollywood.”
May plano ba siyang panoorin ang movie sa sinehan?
“Yeah, if I have time, or baka hintayin ko na lang sa Netflix. Like what I’ve said, nabasa ko na ang libro at naaliw ako.”
Alam ba niyang may cameo role si Kris Aquino sa Crazy Rich Asians?
“Oo naman. Pero sabi ay laging fully-booked ang screening, ang haba raw lagi ng pila kaya hindi ako makapanood. I think si (dating senador) Bongbong (Marcos) and his family, nanood.”
Samantala, inamin ng gobernadora na wala siyang love life, kaya ang ka-date niya lagi ay ang tatlo niyang anak na lalaki, sina Borgy, Michael, at Matthew Joseph Manotoc.
“Pero nag-asawa na si Michael kaya may apo na ako. Babae, na ang tawag sa akin ay ‘Lolita’ for small lola. Ako raw kasi ang pinakabatang lola.”
Nabanggit din niya na napag-usapan na ng pamilya nila na siya ang kakandidatong senador sa mid-term elections sa Mayo 2019, dahil wala pang linaw ang election protest ng nakababatang kapatid na si dating Senator Bongbong.