TUMULAK patungong Estados Unidos kahapon ng umaga ang 23-men team ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation upang subukin na masungkit ang ginto sa pagtatanghal ng 2018 International Canoe Federation Dragon Boat World Championships sa Atlanta, Georgia ngayong Setyembre 13-16.

Isang simpleng send off ceremony ang isinagawa kamakailan at mismong si Philippine Sports Commission (PSC) commissioner Arnold Agustin ang siyang naging kinatawan ni chairman William Ramirez para ipadala ang mga paddlers at magbigay ng suporta.

“The PSC is always ready to support our paddlers. We wish them the best of luck,’’ ani Agustin.

Ayon Kay PCKDF president Jonne Go, matagal umano nilang napaghandaan ang nasabing kompetisyon upang ikundisyon ang mga paddlers at patunayan ang kanilang kakayahan na sumabay sa mga atleta sa mga bansa sa Europa.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“We have prepared long and hard for this as our team embarks on a mission to show the world what we are capable of achieving,’’ ayon kay Go.

Haharap ang koponan ng Pilipinas sa pinakamagagaling na paddlers sa buong mundo gaya ng mga paddlers ng Russia, Hungary, Germany, France at ng host team na USA.

Magtutunggali ang mga nasabing koponan sa mga events na mixed 20-seater 200 meters, 500m at 2000m upang subukin na makapag uwi ng gintong medalya.

Kabilang sa mga paddlers na sasabak upang ibandera ang Pilipinas ay sina Mark Jhon Frias, Ojay Fuentes, Hermie Macaranas, Norwell Cajes, John Lester Delos Santos, Oliver Manaig, Roberto Pantaleon, Lee Robin Santos, Jordan de Guia, Jonathan Ruz, John Paul Selencio at Roger Kenneth Masbate para sa men’s team.

Sa mga babae naman ay sasabak sina Rosalyn Esguerra, Rhea Roa, Christine Mae Talledo, Sharmane Mangilit, Apple Jane Abitona, Raquel Almencion, Lealyn Baligasa, Glaiza Liwag at Maribeth Caranto sa pagtitimon ng kanilang head coach na si Len Escollante.

-Annie Abad