SI Klea Pineda ang ultimate female winner sa reality artista search na StarStruck 6, habang si Migo Adecer naman ang male counterpart niya.

Klea Pineda copy

Taong 2015 noon nang sumali si Klea sa nasabing talent search dahil gusto niyang mag-artista, at gagawin niyang stepping stone ang showbiz para maka-join siya sa beauty pageant, partikular na sa Binibining Pilipinas.

Pero sixteen pa lang si Klea noon kaya naman mas ginusto muna niyang mag-artista. Nabigyan naman siya kaagad ng chance na ipakita ang kakayahan niya sa acting nang isali siya sa Encantadia in 2016, at nasundan pa iyon ng ibang shows sa GMA Network, na ang latest nga ay ang fantasy drama na Sirkus.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Ngayon, isa si Klea sa bumubuo ng cast ng Ika-5 Utos, at mapapalaban naman siya ng iyakan sa serye.

“Mabuti po at nakagawa ako ng isang dramatic episode ng Magpakailanman at marami akong natutuhan doon,” sabi ni Klea. “Nasasanay na akong magdrama at magagamit ko ito dito sa bago kong teleserye.

“Ako po rito si Candy, bunsong anak nina Tonton Gutierrez at Valerie Concepcion. Ako rito iyong magpapasaya sa parents ko, pero sa pagkamatay ng kuya ko, hindi ko alam kung kakayanin ko ang nangyari sa kanya.”

Nakumusta namin kay Klea ang pangarap niyang maging beauty queen. Kailan siya magte-training para sa Binibining Pilipinas?

“Puwede na po akong mag-training kasi I’m 19 na. Nakipag-usap na ako sa kanila, at nasa akin kung kailan ko gustong magsimula ng training.

“Pero pinag-iisipan ko pa dahil kapag nag-training ako, I have to give up my showbiz career. Parang nakakahinayang naman kung igi-give up ko, dahil love ko na ang showbiz at three years na rin ako rito.

“Nakita ko noon si Winwyn Marquez, nahirapan daw siya talagang basta i-give-up ang showbiz. Ilang buwan din kasi ang training at pagkatapos ang pageant proper na, bago ka pa muling makabalik sa showbiz, lalo na kung mananalo ka ng title,” sabi ni Klea, tinukoy ang kapwa Kapuso actress na reigning Reina Hispanoamericana 2017.

Nakakatuwa si Klea, dahil hindi lamang pala showbiz at beauty pageant ang gusto niya, gusto rin daw niyang mag-aral maging piloto.

“First year college pa lang ang nakuha ko dahil nga sa showbiz. Pero kung itutuloy ko ang studies ko, gusto kong maging lady pilot. Gusto ko pong mag-inquire sa PATTS College of Aeronautics. Pero gusto ko pa rin pong ituloy ang showbiz career ko.

“Ang parents ko po naman very supportive sa akin kung alin ang itutuloy ko, kaya nagpapasalamat po ako nang labis sa kanila,” sabi pa ni Klea.

“Huwag po ninyong kalimutan kaming panoorin sa pagsisimula po sa Monday, September 10, ang Ika-5 Utos after ng Eat Bulaga, hanggang Saturday,” pagtatapos ni Klea.

-NORA V. CALDERON