APAT na taon nang hiwalay ang dating sexy actress na si Klaudia Koronel sa Chinese husband niya. Pareho silang sa Amerika nakatira at umuwi lang siya sa Pilipinas para ibenta ang condo unit nilang nasa The Fort, na conjugal property nila ng asawa.

Klaudia Koronel

Nitong Agosto 5 dumating sa bansa si Klaudia para personal na ayusin ang pagbebenta ng ilang gamit na paghahatian nilang mag-asawa, at dumalaw na rin siya sa kanyang pamilya sa Laguna.

Hindi naging madali ang buhay na pinagdaanan ni Klaudia sa piling ng asawang super rich, dahil dumating siya sa puntong gusto na niyang tapusin ang buhay niya. Pero sa kabilang banda ay naisip niya kaagad ang pamilya at ang anak na naiwan sa Pilipinas.

Relasyon at Hiwalayan

Chloe punumpuno ang puso dahil kay Carlos, inurirat kung kailan papakasal

Una munang klinaro ni Klaudia ang kumalat na balitang mahirap siya sa Amerika (Arizona) simula nang iwan siya ng asawa. Aniya, iniwan naman nito sa kanya ang malaking bahay nila at ilang taon din ang lumipas bago niya ito ibinenta para lumipat na sa Los Angeles, California. Doon ay nagtrabaho siya bilang nursing assistant sa isang care home.

“Resident na ako dun, hindi ko na naasikaso ‘yung mga property ko rito. Kaya ako umuwi para ayusin din, at para iayos ang lahat para sa naiwang pamilya’t anak.”

Isa kami sa napasama sa intimate chikahan with Klaudia nitong Biyernes kasama ang ibang katoto na ginanap sa Music 2. Na-miss daw ng dating sexy star ang mga kaibigan niya sa media noong aktibo pa siya sa showbiz.

Matatandaang nagpakasal si Klaudia sa Chinese-American businessman noong Agosto 28, 2009 sa Templo Central ng Iglesia ni Cristo.

Pero bago naman nangyari ang kasalan ay ilang beses inalok si Klaudia ng asawa na pumirma siya ng prenup pero hindi niya ginawa.

“I think alam n’yo naman yung sitwasyon nung kinasal ako na pinapipirma ako ng prenuptial agreement bago niya ako pakasalan.

“Naniwala ako na mahal niya ako, na nag-promise siya na forever, na iingatan niya ako, mamahalin niya ako. Pero dahil nga hindi ako pumirma dun sa prenuptial agreement, dahil bilang Pilipina, siyempre hindi ako naniniwala sa ganun.

“Thirty years old na ako nung nag-asawa ako, kasi gusto kong magkaroon ng asawa na responsible na aalagaan ako. Masyado akong mapili sa lalaking mamahalin ko,” kuwento ng dating aktres.

Marami ang nagsabing hindi magiging maayos ang kalagayan ni Klaudia sa magiging asawa niya that time ay itinuloy pa rin nito ang pagpapakasal.

“Kasi mahal ko, eh. Ipinaglaban ko. Kahit sinabihan ako na, ‘Huwag ‘yan, dapat kapananampalataya mo.’ Ang sagot ko is mahal ko. Inuna ko ang pagmamahal ko sa taong iniwan ko kayo. Iniwan ko ‘yung career ko, iniwan ko ang family, iniwan ko ‘yung anak ko, dahil sa pagmamahal ko sa lalaki.

“Pero dahil pala sa hindi ko pagpirma ng prenuptial, naging lungkot pala sa sarili niya ‘yun. Bakit ko alam? Kasi kahit nagbabakasyon kami, tulala siya. Hindi siya masaya, ‘tapos lagi niyang sinasabi, ‘This is not enough, this is not enough.’

“Parang, mayabang man sabihin, ang laki-laki ng bahay namin, tatlo ang kotse namin, may business kami, marami kaming properties, but lagi niyang sinasabi, ‘This is not enough.’

“Parang hindi pa rin siya masaya. ‘Tapos, konting problema lang, ‘I will divorce you!’ Konting ano lang, tinatakot niya ako,” kuwento ni Klaudia tungkol sa naging karanasan niya sa Amerika.

Walang ibang babae o lalaki na dahilan kung bakit sila nag-divorce ng mister niya, na mahal pa rin siya.

“Mahal niya ako, mahal ko rin siya. Alam mo kung bakit ko alam na mahal niya ako? Kasi bago niya ako dinivorce, may sulat siya sa akin, nakalagay, ‘I still love you, mahal kita but I have to divorce you.’

“Alam ko naman na sa simula pa lang, sa prenuptial, sinabi niya sa akin, ‘Hanggang three years lang ‘yung marriage natin’. Alam ko ‘yun. Sa Amerika kasi ‘pag five years na ang marriage ninyo makukuha mo ‘yung kayamanan ng asawa mo, half ng lahat ng kayamanan makukuha mo.

“Nakita ko na lang ‘yun nu’ng tumagal na, may sinusundan pala siyang legal na ano, at nakita ko naman ‘yun noon pa,” paliwanag ni Klaudia.

Hindi na raw niya nagawang umatras noon sa kasal nila dahil “naka-set na akong ikasal. At nung ikasal ako, hindi ako masaya.”

At dahil hinainan na isya ng divorce papers ng dating asawa ay wala siyang magawa kundi pumirma.

“Kung hindi ako nag-sign, talo ako. Wala akong makukuha kahit isa kapag hindi ako nag-sign,”sabi pa.

Bago naman siya nakipagdiborsyo sa asawa ay ipinaalam niya ito sa Iglesia ni Cristo.

Ayon sa INC, ang dalawang taong ikinasal ay hindi puwedeng paghiwalayin ng tao lang dahil sumumpa sila na magsasama sila sa hirap at ginhawa. Maaaring mahiwalay lang kapag may matinding pangyayari kapag isa sa kanila ay nawala na sa mundo at dito lang maaaring makapag-asawa ulit ang Kapatid sa Iglesia.

Sa kaso ni Klaudia hanggang buhay ang asawa niya ay hindi siya makakapag-asawang muli, gayundin ang asawa niya. Ito ang bagay na ikinalulungkot ng dating aktres, dahil gusto rin niyang magkaroon ng makakasama sa buhay hanggang pagtanda.

At sa nangyaring paghihiwalay ay umamin si Klaudia na dumaan siya sa depresyon sa loob nang tatlong taon.

“Three years pa lang ako nu’n sa Amerika, feeling ko para akong baby na, ‘Paano kaya ako mabubuhay mag-isa?’ Dumaan ako sa ganun.

“And kaya nagpaalam ako (INC) na ito ‘yung sitwasyon ko, idi-divorce ako na walang dahilan. Ang alam ko lang na nakikita ko, ‘yung ayaw lang niya i-share ang kayamanan niya.”At ang nakakagulo pang lalo sa isipan ni Klaudia ay maski divorce na sila ng asawa ay magkasama pa rin sila sa iisang bahay.

“Kasi divorced na kami pero magkasama pa rin kami sa bahay. ‘Di ba? Bakit hindi niya ako pinaalis? Bakit hindi niya ako pinalayas? ‘Di ba? Kung meron na siyang ibang babae dapat sana, ‘Umalis ka na!’ Dinadala pa rin niya ako kahit sa ibang bansa.

“Kaso lang bilang babae naman, dinivorce mo na ako, bakit mo pa ako gagamitin? So, umiwas na lang ako, naghahanap na ako ng ibang room. Respeto na lang sa sarili ko, kasi sinira mo na ‘yung marriage natin tapos dito pa rin tayo sa isang bubong?”

Nabanggit din na nagkaroon na rin ng ibang babae ang asawa pagkatapos ng ilang taon nilang hiwalay at talagang masakit ito para sa kanya.

“Nagde-date na siya, nasa bahay pa rin ako, naghihintay pa rin ako sa kanya. Alam mo kung paano lang kami nahiwalay? Nakialam na ‘yung nanay niya. Sabi ng nanay niya, ‘Divorced na kayo, bakit pa kayo magkasama sa isang bubong?’

“Dun lang siya natarantang hanapan ako ng ibang lugar kasi darating na ‘yung nanay niya,” kuwento pa.

Isa pang klinaro ni Klaudia ay ang nabalitang sinasaktan siya ng pisikal ng asawa.

“Ano lang, verbal abuse, ‘yung panda-down, minamaliit ‘yung pagkatao mo.”

Nakabuting hindi siya pumirma ng prenup dahil may ilang properties ang asawa na napunta sa kanya.

“Buti na lang hindi ako pumirma! Kasi ang sinabi lang niya sa akin, ang inaano lang niya sa akin, ‘Pag ang marriage natin’ nakita ko na kasi ‘yung future ko, hindi ko alam bakit kasi nagpatuloy pa ako. [Sabi niya] ‘one year ito lang makukuha mo, two years ito lang makukuha mo, three years ito lang makukuha mo’.”

“Buti nga hindi ako pumirma kasi ang matatanggap ko is pera lang. Properties at pera, alimony. Kung pumirma ako, alimony lang.”

Sa Oktubre 5 babalik ng Los Angeles si Klaudia at hihintayin niya ang pagbaba ng papeles niya ngayong taon na magpapatunay na isa na siyang American citizen dahil permanent resident na ang estado niya.

“Dumating pa nga sa isip ko kung itutuloy ko pa ba ang tumira sa Amerika since wala naman akong kasama na, igi-give up ko na ang citizenship ko na this year ko makukuha. Kaso inisip ko rin, anong saysay na nag-stay ako roon nang matagal, kaya nga ako nagtiis kasi para sa pamilya ko. Kaya itutuloy ko at malapit nang bumaba ang papers ko at nakaplano naman na ang pamilya’t anak ko susunod sila sa akin.”As of this writing ay nagpapahinga muna si Klaudia bago siya bumalik sa trabaho at plano ulit niyang magtayo ng nursing home sa LA, dahil ito naman ang forte niya.

Nilinaw naman ni Klaudia na wala siyang planong magbalik-showbiz.

“Ha, ha, ha nakaka-miss. Pero hindi na. Saka ang laki-laki ko na,” pagtatapos ni Klaudia.

-Reggee Bonoan