Muling sasabak si dating WBO minimumweight champion Merlito Sabillo laban kay WBO Inter-Continental light flyweight champion Jing Xiang para sa bakanteng WBC Silver junior flyweight crown sa Setyembre 15 sa Qinzhou Sports Center Gymnasium, Qinzhou, China.
Huling lumaban si Sabillo noong nakaraang Pebrero 17 sa Bacolod City, Negros Occidental kung saan dinaig siya ni OPBF light flyweight champion Edward Heno sa 12-round split decision.
Kilalang “Pinoy conqueror” si Xiang na nakalistang No. 7 kay WBO light flyweight champion Angel Acosta ng Puerto Rico dahil karamihan sa mga tinalo ay mga Pilipinong tulad nina Elmar Francisco (MD 10), Ben Manaquil (SD 12), Joel Taduran (UD 10), Joy Joy Formentera (UD 10), Rollen del Castillo (UD 8) at Dexter Alimento (UD 10).
Gayunman, dalawa sa pagkatalo ni Xiang ay sa mga Pinoy boxer din kina IBF super flyweight champion Jerwin Ancajas (UD 10) at Macrea Gandionco via 3rd round TKO noong Mayo 8, 2015 na huling pagkatalo niya para sa bakanteng WBO Asia Pacific light flyweight title.
May rekord si Xiang na 14-4-2 win-loss-draw na may 3 panalo lamang sa knockouts kumpara kay Sabillo na may kartadang 27-5-1 win-loss-draw na may 13 pagwawagi sa knockouts.
-Gilbert Espeña