IKA-8 ngayon ng Setyembre. Isang karaniwang araw ng Sabado sa kalendaryo ng ating panahon. Ngunit sa liturgical calendar ng simbahan, mahalaga ang Setyembre 8 sapagkat ipinagdiriwang ng mga Kristiyanong Katoliko sa buong mundo ang kaarawan ng Mahal na Birhen Maria --- ang ina ng Banal na Mananakop. Kilala rin sa tawag na Regina Coeli o Reyna ng Langit, Virgo Fidelis, Mater Admirabilis at tinatawag na Mama Mary. Ang Mahal na Birhen ay kinikilalang Patroness ng Pilipinas.
Bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen, nagdaraos ng mga misa sa mga simbahan sa umaga at hapon sa iba’t ibang parokya sa buong bansa. Pagkatapos, kasunod nito ang Grand Marian Procession na tampok ang mga imahen ng Mahal na Birhen na may iba’t ibang tawag tulad sa parokya ni San Clemente sa Angono, Rizal, na bago sumapit ang kaarawan ng Mahal na Birhen ay nagkaroon ng Grand Marian exhibit sa parokya. Ang 40 imahen ng Mahal na Birhen ay tampok sa Grand Marian Procession sa ganap na 3:30 ng hapon na susundan ng isang concelebrated mass.
Sa iba’t ibang ng parokya ng Diocese ng Antipolo ay may gagawin ding prusisyon bilang bahagi ng pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen.
Ayon sa kasaysayan, ang Mahal na Birhen ay isinilang sa Nazareth. Anak siya nina San Joaquin at Santa Ana. Siya’y isinilang upang maging Ina ng Tagapagligtas ng sangkatauhan at Ina ng lahat ng tao. Ang pinakabanal sa lahat ng nilikha ng Diyos. Si Maria ay ipinaglihi at isinilang na puspos ng kalinisan at puno ng grasya. Ang pagsilang ng Mahal na Birhen ay itinuturing na bukang-liwayway ng sangkatauhan sapagkat siya ang napiling maging Ina ng Mananakop.
Sa pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen, ang mga Kristiyanong Katoliko ay magbibigay-parangal sa Ina ng Diyos. Ang Mahal na Birhen ay kasama ni Kristo sa lahat ng mga natatanging sandali ng buhay ng Mananakop.
Ipinagdiwang na ng simbahan ang kaarawan ng Mahal na Birhen mula pa noong ika-8 siglo. Sa kalendaryo ng simbahan ay dalawa lamang santo o banal ang ipinagdiriwang ang kaarawan. Si San Juan Bautista tuwing ika-24 ng Hunyo at ng Mahal na Birhen tuwing ika-8 ng Setyembre. Ang Setyembre 8 ay nakatulong sa pagtatakda ng kapistahan ng Immaculate Conception ng Disyembre 8.
Sa Bibliya ay walang tala tungkol sa pagsilang ni Maria. Ngunit sa “Apocryphal Protoevangelicum” ni Santiago ay sinasabing ang mga magulang ni Maria ay sina San Joaquin at Santa Ana. Tumanggap sila ng isang anak na kasama sa plano ng Diyos ng kaligtasan.
Ang pagdiriwang ng kaarawan ng Mahal na Birhen ay nagsimula pa sa Jerusalem. Ipinagpatuloy ito ng buong Simbahan noong 687 sa pamamagitan ni Papa Sergio 1.
Sa araw na ito, Setyembre 8, ay maraming religious congregation ang muling magsasagawa ng kanilang religious vow upang maging matibay ang kanilang pangako at pag-ibig kay Birheng Maria.
Ang pangunahing pangyayari sa buhay ng Mahal na Birhen Maria ay ipinagdiriwang bilang isang liturgical na kapistahan ng Universal Church.
Sa iniibig nating Pilipinas, ang Mahal na Birhen ay lagi nang bahagi ng buhay at pag-ibig ng mga Pilipino. Umaaliw at tumutulong lagi sa lahat ng panahon. Sa kapayapaan, dalamahati, kabiguan, tagumpay at panahon man ng mga pagsubok at krisis. Bilang mga Kristiyanong Katoliko, ang mga Pilipino sa kasaysayan at kultura ay nakilala na sa pagkakaroon ng malalim na debosyon sa Mahal na Birhen.
Ang Mahal na Birhen ay mananatiling Patroness ng Pilipinas sapagkat ang ngalan ni Maria ay naghahatid ng pag-asa, biyaya at tamis sa puso ng sambayanang Pilipino, sa panahon man ng kalamidad, pagsubok at kapayapaan.
Ganito naman ang papuri ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal sa kanyang tula sa Mahal na Birhen: “Ikaw na ligaya ng tanang kinapal/ Mariang sakdal tamis ng kapayapaan./ Bukal ng saklolong hindi naghuhumpay,/Daloy ng biyayang walang pagkasiyahan”.
“Mula sa trono mong langit na mataas,/Ako’y, marapating lawitan ng habag,/ Ilukob ang iyong balabal ng lingap,/Sa daing ng aking tinig na may pakpak./ Ikaw ang Ina ko Mariang matimtiman,/Ikaw ang buhay ko at aking sandigan,/Sa maalong dagat, ikaw ang patnubay; /Sa oras ng lalong masisidhing tukso,/At kung malapit na ang kamatayan ko,/Lumbay ko’y pawiin, saklolohan ako!”
-Clemen Bautista