Bukas na sa serbisyo ang helpline na tutulong sa sinumang may substance abuse problem, inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III nitong Huwebes.
Ang paglulunsad ng substance abuse helpline number na “155” ay proyekto ng Department of Health (DoH) at ng Office of the President.
“This offers free and confidential advice, information and support, and referral for individuals and family members facing substance abuse disorders... Services include call and inform basic screening and refer,” ani Duque.
Sa kasalukuyan may apat na empleyado ang helpline na tatanggap ng tawag mula sa mga kliyente simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Umaasa naman ang DoH na magkaroon ng 12 agent sa susunod na taon, para sa pagtanggap ng mas maraming tawag.
Bukod sa helpline, sinabi ni Duque na ikinokonsidera rin nila ang paggamit ng ibang technology-based platforms, tulad ng mga mobile application o SMS self-service options, at website “to ensure a wider reach.”
Gayunman, ipinaliwanag ni Duque, na may call charges na ipinapatupad depende sa telepono o mobile service provider.
“But the DoH is looking for an arrangement where this will be made free of charge,” pagtiyak ni Duque
-Analou De Vera