TUMAPOS bilang Best Asian Team ang koponan 7-Eleven Cliqq Road Bike Philippines sa katatapos na UCI 2.2 Tour of Xingtai sa China.

Tinalo ng All-Filipino Continental team sa pangunguna nina Marcelo Felipe at Rustom Lim ang may labing-isang Asian squads na kalahok sa karera kabilang na ang tinanghal na Best Chinese team na Hengxiang na inungusan nila ng 21 segundo.

Sa general team classification, nagtapos ang 7-Eleven na pangwalo sa 24 na mga koponang kalahok na kinabibilangan ng apat na Pro Continental squads sa naganap na tatlong araw na karera.

May tsansa sanang mag podium din para sa kategoryang Best Asian Rider si Felipe, ngunit nalaglag sya sa ika-4 na puwesto matapos mabigong maprotektahan ang kanyang pamumuno sanhi ng iniindang injury sa kamay na natamo nya sa isang di inaasahang pagsemplang sa first stage.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Kasunod ni Felipe tumapos namang pang-6 si Lim at pang-9 ang isa pang kakamping si Arjay Peralta sa Asian Individual Classification.

Sa General Classification, nagtapos si Felipe na 13th overall at 22nd naman si Lim.

Ang iba pang miyembro ng team ay sina dating local tour champion Irish Valenzuela, sprinter Dominic Perez at BoniJoe Martin.

Susunod na mga karerang lalahukan ng mga Pinoy riders ay ang tour of Siak, Ijen at Celebes na lahat ay idaraos sa Indonesia.

Samantala, ayon kay 7-Eleven Road Bike Philippines team director Ric Rodriguez plano nilang sumali hangga't maaari sa mas maraming UCI races lalo pa't ang Tokyo Olympic Qualification timeline ay ngayong darating na Oktubre hanggang Oktubre 2019.

-Marivic Awitan