NAKATAKDANG simulan ang P11.2 bilyong proyekto na Jalaur River Multipurpose Project (JRMP) II sa Calinog, Iloilo sa darating na Oktubre 4.
Ito ang ibinalita ni Iloilo Governor Arthur Defensor, Sr. matapos umanong maging matagumpay ang paglagda sa kontrata sa pagitan ng National Irrigation Administration (NIA) at ng Daewoo Engineering and Construction Co., Ltd. sa NIA Central Office, Diliman, Quezon City, nitong Lunes.
Lumagda para sa kontrata si NIA Administrator Ricardo R. Visaya habang si Manila Branch Manager Se Won Park naman ang naging kinatawan ng Daewoo Engineering and Construction Co., Ltd para sa kasunduan.
Pinondohan ang proyekto ng pautang na mula sa Economic Development Cooperation Fund ng South Korea, masisimulan na ang proyekto matapos ang mahabang pagkaantala.
Sa naunang panayam kay Calinog Mayor Alex Centena, nasa 17,000 katao ang kinakailangan para sa pagtatayo ng proyekto.
Sakop nito ang kontruksiyon ng 109 metrong Jalaur High Dam, 38.5-m Afterbay Dam, 10-m Alibutan Catch dam, 80.74-kilometrong highline Canal, at ang secondary structure.
Muli namang binanggit ni Defensor na malaking tulong ang proyekto sa Iloilo, lalo’t higit sa mga magsasaka.
“This will upgrade their lives because the project will irrigate around 33,000 hectares of land which is a big help in the improvement of their rice production,” aniya.
Samantala, bagamat wala pang katiyakan kung dadalo si Pangulong Duterte sa groundbreaking ceremony ng proyektop sa susunod na buwan, sinabi ni Defensor na magiging imbitado ang Pangulo sa okasyon.
Bukod kay Duterte, inaasahan din ang pagdalo nina Visaya at Senador Franklin Drilon.
PNA