“KAGAGAWAN ito ni G. Calida, at naibigan naman ng kanyang amo na si G. Duterte,” sabi ni Sen. Antonio Trillanes sa pagbawi ng Pangulo ng amnestiya na iginawad sa kanya ni dating Pangulong Noynoy.
Gumagawa sila, aniya, ng lahat ng paraan para mapigil ang pagdinig na gagawin ko laban kay Calida. Tinitingnan ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization na pinamumunuan ni Trillanes ang posibleng conflict of interest ni Calida sa mga milyung-milyong kontratang ipinasok ng Vigilant Investigative and Security Agency, Inc. (VISAI) sa Department of Justice (DoJ) at iba pang ahensiya ng gobyerno. Nanatili kasing pag-aari ni Calida ang majority stocks ng VISAI. Kasalukuyang nagaganap ang imbestigasyon kung saan ipinaliliwanag ni Trillanes sa mga kinatawan ng Civil Service Commission (CSC), DoJ, University of the Philippines Law Center at Integrated Bar of the Philippines, na ang conflict of interest ay batay sa pagiging Solicitor General ni Calida nang magdatingan ang mga pulis at sundalo para arestuhin ang Senador.
Hindi pinangalanan ng Senador iyong tinutukoy niyang “sila” na gustong matigil ang imbestigasyong ginagawa ng komite. Pero, wala namang magkakainteres na gawin ito kundi sina Calida at Pangulong Digong mismo. Nagsampa nga ng petisyon si Calida sa Korte Suprema para ipatigil ang pagdinig, pero dahil hindi pinagbigyan ang kanyang kahilingan na mag-isyu ito ng temporary restraining order (TRO), itinuloy ng komite ang nasabing pagdinig.
Kung gaano kaintresado si Calida na matigil ang imbestigasyon, higit na intresado si Pangulong Digong. Kasi, ang isyu dito ay kurapsyon. Paulit-ulit na sinasabi ng Pangulo na “Corruption must stop.” Eh sa kasong ito ni Calida ay maliwanag ang kurapsyon. Ang imbestigasyong isinasagawa ng komite ni Trillanes ay hindi lang lubusang mapalilinaw kundi maihahayag pa ito sa sambayanan.
Maihahayag ang pilit na itinatago ni Calida na wala na siyang kaugnayan sa VISAI. Sa imbestigasyon ng komite, hindi puwedeng hindi ilabas ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang record ng VISAI. Nakasaad dito na 60% ng shares of stocks ay nasa pangalan ni Calida at ang mga nalalabing 40% ay pinaghatian ng mga miyembro ng kanyang pamilya. Bilang Solgen, si Calida ay abogado ng gobyerno. Ang mga kontratang ipinasok ng VISAI, na siya ang controlling stockholder, ay mga ahensiya ng gobyerno. Kaya, kakontrata niya ang kanyang kliyente. Anuman ang bidding na nangyari kung saan nagwagi ang VISAI, ay lutong makaw.
Sa halip na pinagbitiw ng Pangulo si Calida, nais niyang matigil ang imbestigasyong ginawa ng komite ni Trillanes. Pinahuhuli na niya ngayon ito dahil wala raw bisa ang amnestiyang iginawad ni dating Pangulong Noynoy sa Senador. Ang epekto tuloy nito, ay natuon ang atensyon ng mamamayan ang pagdakip kay Trillanes.
Pero, mahirap iligaw ang isyu ng kurapsyon at kredebilidad ng Pangulo na puksain ito. Nakadikit ito sa isyung ginawa ng Pangulo kay Trillanes. Higit sa lahat, hindi nito kayang tabunan ang kagutuman at kahirapan na dinaranas ngayon ng mamamayan. Kredebilidad pa rin ang isyu. Ang kakayahan ng administrasyong pamahalaan ang bansa.
-Ric Valmonte