NAGLABAS ng ordinansa ang lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan, na kinabibilangan ng isla ng Boracay, hinggil sa pagbabawal sa paggamit ng mga single-use plastic na produkto sa mga hotel, resort, kainan at iba pang establisyemento. Ito ang kontribusyon ng bayan sa programang anim na buwang rehabilitasyon para sa Boracay, na nakatakdang muling magbukas sa mga turista ngayong darating na Oktubre.
Sinabi ni Secretary of Environment and Natural Resources Roy Cimatu na ang ordinansang pagbabawal ay makatutulong na mabawasan ang problema sa basura ng isla na ipinasara ni Pangulong Duterte dulot sa lumalalang problema sa polusyon. Binanggit din ng Pangulo na ang paligid na tubig ng isla ay naging “cesspool” na, dahil maraming establisyemento ang walang tamang sewage treatment facilities.
Bagamat hindi direktang nakadaragdag ng polusyon sa tubig ang plastik na tulad ng epekto ng mga imburnal, isa ito sa pangunahing dahilan ng sistematikong pagkasira ng kapaligiran, natatambak ng natatambak taun-taon sa kalaliman ng karagatan, na kumikitil sa mga lamang-dagat.
Lumalabas sa mga pananaliksik na ang mga itinatapong plastic sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay napupunta at natatambak sa mga dagat at karagatan. Ilan sa mga ito ang nakakain ng mga isda at ibang lamang-dagat, na karamihan ay kinakain naman ng mga tao, na siyang makakukuha ng mga butil ng hindi nabubulok na plastik na napupunta sa katawan.
Sa ulat kamakailan, sinasabing nasa walong milyong tonelada ng polusyon sa plastic—mga shopping bag, bote, balot ng pagkain, sirang mga laruan, radyo at TV—ang napupunta sa mga karagatan kada taon, mula sa 192 bansang napapalibutan ng tubig kabilang ang Pilipinas. Isang pandaigdigang kampanya ang inilunsad upang maiwasan at maitigil ang pagtatapon ng plastik, na sinimulan sa mga karaniwang ginagamit na mga plastic stirrer at straw sa mga kainan sa buong mundo.
Ang pinagtibay na ordinansa ng bayan ng Malay, Aklan, na nagbabawal sa lahat ng mga single-use plastic ang simula para sa ating bansa. Umaasa tayong ipatutupad din ang katulad na ordinansa sa ibang mga bayan at lungsod sa ating bansa.
Mahalagang hakbang na nagsimula ang ating pagbabawal sa single-use plastic sa Boracay, ang nangungunang tourist attraction ng bansa. Sa susunod na buwan, Oktubre, sa muling pagbubukas ng Boracay sa mga turista mula sa iba’t ibang panig ng mundo, makikita nila ang pagpapatupad ng plastic ban na maaaring makatulong sa pagpapakalat ng ideya sa kanilang mga sariling bansa sa buong mundo.