MATATAPOS na ang linggong ito, animo hangin lamang na dumaan sa ating harapan, ngunit kakarimpot lamang na mamamayan, lalo na ang mga opisyal ng ating pamahalaan, ang nakaalala at nakapansin na magtatapos na ang espesyal na mga araw ng mga magigiting na kababayan nating imbentor.
Ang lahat ng pansin ng mga tao ay nakatuon sa kasalukuyang mga suliranin ng bansa, gaya ng sa bigas, galunggong, kuryente, trapiko, pang-kalusugan at maging pampulitika na mainit na mainit ngayon, ang pagbawi ng amnestiya na ibinigay kay Sen. Antonio Trillanes, halos walong taon na ang nakararaan.
Hindi man lang yata sumagi sa masyadong abalang kokote ng ating mga pinuno sa gobyerno, na may grupo ng mga Pilipino na maaaring makatulong ng malaki sa paglutas sa mga nabanggit kong problema sa bansa – ‘wag lang ninyong isama ‘yung pampulitika dahil wala ng kalutasan at katapusan ang mga iyan – at sila ay ang ating mga kababayang imbentor.
Sa loob lamang ng isang linggo, dalawang ulit akong naimbitahan sa pagpupulong ng mga Pinoy inventor – nagtataka lang ako dahil konti na nga sila ay nahati pa sa dalawang grupo, marahil dahil sa mahirap talagang pagsamahin ang mga henyo na palaging nauuwi sa pagtatalo-talo -- ngunit iisa lamang ang hirit nila: Ang suporta sa mga imbensiyong naisip nila para sa kapakinabangan ng ating bansa, lalo na sa paglutas ng mga problema sa pagsasaka, pangingisda at pangkalusugan.
Umikot ang ulo ko sa mga imbensiyong narinig ko mula sa mga aktibong miyembro ng dalawang grupong ito, ang Filipino Inventors Society (FIS) at ang Filipino Inventors Society Producer Cooperative (FISWPC), na kung matututukan lamang at masusuportahan ng pamahalaan ay natitiyak kong dagdag kalutasan sa problema ng bansa.
Ang problema ng ating mangingisda ay natatalo sila ng mga banyaga sa paghuli ng mga isdang nasa mismong karagatan natin. Ang mga Tsino ay nilalapitan ng mga isda samantalang ang mga Pinoy ay tinatakbuhan. Ang solusyon pala rito ay ang mga maliliwanag na ilaw na nailulubog sa tubig na bumibighani sa mga isda, kaya ito naglalapitan patungo sa mga lambat. May imbensiyon na palang tulad nito ang mga imbentor natin ngunit walang pumansin sa mga produkto nila.
Sa pagsasaka ay ganoon din. Ang mga magsasaka sa bukid ngayon nasa 50 anyos pataas. Ang mga bata ay ayaw nang magsaka dahil ang pamamaraang gamit ay ‘yung sinauna pa rin. Maraming imbensyon na hindi pinakikinabangan – gaya ng modernong pang-ani ng palay at mga gulay, pagtatanim ng binhi sa mabilis na pamamaraan, pagpapatuyo, paggiling at iba pang mga gadget na magpapagaan sa kanilang gawain sa bukid.
Marami rin tayong mga imbentor na nakatutuklas sa mga gamot na galing sa halaman na hinahangaan at tinatangkilik sa ibang bansa, ngunit ‘di man lang kilala o naririnig ang pangalan dito sa atin.
Nakita ko ang naging masiglang pag-uusap ng mga namumuno sa grupo ng mga Pinoy inventor at opisyal ng Department of Science and Technology (DoST) sa pangunguna ni Secretary Fortunato dela Peña. Sana hindi lang sa masayang kwentuhan at kantiyawan nagtatapos ang mga pagpupulong na ito bagkus magbunga ito ng mga imbensiyong pakikinabangan ng mamamayang Pilipino, lalo na ng ating mga magsasaka, mangingisda at maliliit na manggagawa.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].
-Dave M. Veridiano, E.E.