Hinikayat kahapon ng mga senador ang Malacañang na kontrolin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa, hanggang kaya pa.

Ayon kay Senator Nancy Binay, dapat na ipakita ng Palasyo sa publiko na kung gaano kaigting ang kagustuhan nitong maresolba ang problema sa ilegal na droga at maibalik sa piitan si Senator Antonio Trillanes IV ay dapat na ganoon din katindi ang pagnanais ng pamahalaan na maaksiyunan ang inflation rate, na pumalo na sa nine-year high na 6.4% nitong Agosto.

“Sana ‘yung effort ng administrasyon sa war on drugs at kay Senator Trillanes, ay ganoon din ang effort para maibaba ang ating inflation rate. We have to strengthen our initiatives to help ease the burden of inflation including the provision of financial assistance to poor families and discounts to the transport sector,” ani Binay.

“Ramdam na ng taumbayan ang pagsipa ng inflation. Unahin na muna nating resolbahin ang pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Unahin muna natin ang sikmura bago pulitika,” dagdag ng senador.

Politics

Hanash ni Sen. Migz: Sen. Loren, future Senate President!

Dapat din aniyang bigyang importansiya ng pamahalaan ang tutukan ang ekonomiya, dahil posible pang tatagal hanggang sa susunod na taon ang epekto ng inflation.

Sinabi naman ni Sen. Joel Villanueva na pinatunayan ng patuloy na paglobo ng inflation na “our economic managers are obviously not on top of this issue”.

Iginiit naman ni Sen. Bam Aquino na “hinding-hindi po normal na nalulunod na sa pagtaas ng presyo ang mga mahihirap.”Kaugnay nito, hinimok ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang publiko na matutong magtipid, at iwasang pagkagastusan ang mga hindi kinakailangan o hindi prioridad.

“Matuto tayong magtipid. Alam natin na tumataas na ang presyo [ng mga bilihin] kaya sana magtipid tayo sa mga bagay na hindi naman kailangan,” sinabi ni Pabillo nang kapanayamin sa Radio Veritas.

-HANNAH L. TORREGOZA at MARY ANN SANTIAGO