Hindi pa rin lusot si Senator Antonio Trillanes IV sa mga nagawa nitong kasalanan noong nasa militar pa ito kahit pa matagal na itong nagbitiw sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang naging reaksiyon ni Presidential Spokesman Harry Roque, sinabing magpapatuloy pa rin ang court martial proceedings laban sa senador matapos mapawalang-bisa ang amnestiya nito.

Aniya, ang pagre-resign ng senador ay hindi nangangahulugang na-“undo” na ang mga nilabag nito sa Articles of War.

“Proclamation No. 572 declares the amnesty given to Senator Antonio Trillanes IV void ab initio, or not valid from the very beginning. This means that his status now will be his status before the granting of amnesty,” ani Roque.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“As to the fact that Senator Trillanes resigned from military service, the act of resignation does not undo the violations of the Articles of War that he committed while he was in military service,” pagpapatuloy nito.

Una nang inihayag ni AFP spokesman, Col. Edgard Arevalo na maibabalik ang dating status ni Trillanes bilang military personnel kasunod ng nasabing amnesty revocation.

Gayunman, naglabas kahapon sa media ng mga dokumento si Trillanes na nagpapatunay na taong 2007 pa siya nag-resign at binigyang clearance ng AFP, habang 2011 naman siya binigyan ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III ng amnestiya.

Iginiit naman kahapon ni acting Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na walang bisa ang nasabing amnestiya, kahit pa ibinasura na ng Makati Regional Trial Court ang kasong kudeta ni Trillanes.

Ayon kay Fadullon, dapat na suportado ang dismissal sa kasong kudeta ni Trillanes ng kanyang aplikasyon para sa amnestiya, pero dahil idineklara na itong walang bisa ay hindi ito napagtibay.

-Genalyn D. Kabiling at Beth Camia