BILANG reaksyon sa kautusan ng Pangulo na arestuhin si Sen. Antonio Trillanes, nagtungo sa harap ng gusali ng Senado si Robin Padilla kung saan nasa loob ang Senador at hinamon niya ito na lumabas at padakip. “Kaming mga ordinaryong tao ay kusang sumasama sa mga alagad ng batas kapag kami ay inaaresto. Lumabas ka Trillanes at huwag kang magtago sa saya ng Senado,” wika ng aktor. Kasama niya sa harap ng Senate building ang mga pulis at militar na nakahandang arestuhin ang Senador.
Nagningning ang pangalan ni Agot Isidro sa panahong ang bansa ay nalambungan ng dilim at binalot ng takot. Kasi, walang patumanggang pagpatay sa mga umano ay lango at sangkot sa droga ang sumunod na pangyayari nang nagsimula ang panunugkulan ni Pangulong Duterte. Natakot ang lahat lalo na iyong mga taong ang kanilang pangalan ay nasa listahang iwinawagayway ng Pangulo sa tuwing magsasalita sa harap ng publiko. Inalipusta at tinakot ng Pangulo ang mabibilang mong tumututol sa kanyang ginagawa, lalo na iyong nagsasabi sa kanya na sumunod siya sa batas at due process at igalang niya ang karapatang pantao ng mamamayan. Sa kanyang Facebook, matindi ang naging reaksyon ni Isidro hinggil dito. Tinawag niya ang Pangulo ng “hibang at mamamatay tao.”
Dalawang artista ang naglabas ng kanilang saloobin sa mga isyung pambayan. Ang tingin ni Padilla sa kautusan ng Pangulo na arestuhin si Trillanes ay simple at ordinaryong pangyayari. Sa wari niya ay para bang iyong kanyang naranasan na may karga siyang armas sa kanyang kotse at nang siya ay matimbog ng pulis ay kusa siyang sumama. May magagawa pa ba siya? Maliwanag ang kanyang paglabag sa batas.
Sa kaso ni Trillanes, ang maliwanag na lumabag ay hindi lang ang ordinaryong tao gaya ni Padilla. Si Pangulong Duterte ito na nag-isyu ng proklamasyon na pinadadakip sa mga pulis at militar ang senador dahil hindi raw ito nakatupad sa mga kondisyon ng kanyang amnestiya, na iginawad sa kanya ni dating Pangulong Noynoy. Eh si dating Pangulong Noynoy mismo ang nagsasabi ngayon na kaya niya tinanggap sa amnestiya si Trillanes ay dahil nasunod lahat nito ang mga kondisyon para gawaran siya nito. Sino ang paniniwalaan mo, ang nagbigay ng amnestiya o iyong miron na nirepaso lang ang ginawa ng kanyang pinalitan?
Mabigat ang epekto ng ginawa ni Pangulong Duterte sa taumbayan. Ang ginawa niya kay Trillanes ay tatagos pa sa ibang nais pa niyang pinsalain dahil sa akala niya ay kanyang kalaban. Pinakialaman niya hindi lamang ang ginawa ng kanyang pinalitang Pangulo, kundi pati iyong ginawa ng Kongreso na nagbigay ng konsente dito.
Balik tayo kay Isidro. Matatandaang nilabanan at sinita niya ang mga naganap na patayan sa ilalim ng administrasyong Duterte. Gayundin parang kinalaban na rin niya ang pagiging pulis, prosekutor, hukom at berdugo ng Pangulo.
-Ric Valmonte