ISINUSULONG ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang paglikha ng ASEAN Technical Vocational Education and Training (TVET) Council.
Sa pagbubukas ng dalawang araw na 4th High Officials Meeting (HOM) ng Southeast Asia TVET sa Maynila nitong Martes, ipinaliwanag ng TESDA na ang pagkakaroon ng konseho ay magbibigay daan upang mabigyan ng tuon ang TVET sa rehiyon.
Sa kanyang presentasyon nitong Martes, sinabi ni TESDA planning executive director Marissa Legaspi na mayroon nang ilang serye ng konsultasyon para rito.
Aniya, ang konseho ay ililinya kasama ng ASEAN Qualifications Reference Framework (AQRF), na nagsusulong ng “mutual qualifications and recognition of competencies.”
“The establishment of a council also aims to provide best practices -- raise the qualities of skills and competencies,” dagdag pa niya.
Paliwanag ni Legazpi, bubuuin ang konseho ng iba pang kaugnay na sektor ng TVET tulad ng sektor ng edukasyon.
“We shall conduct further technical (studies) and will tackle this during the HOM,” aniya.
Sa temang “Moving Together Towards TVET 4.0,” nagsama-sama para sa rehiyunal na pagpupulong ang nasa 180 kinatawan mula sa mga bansa sa Timog-silangang Asya.
Ayon kay TESDA Director General Guiling Mamondiong, layunin ng pagpupulong na talakayin ang mga inisyatibo ng rehiyon, mga polisiya at ang mga bahagi ng TVET education.
“We will discuss new initiatives, and we hope to adopt common skills standards in the (region),” pahayag ni Mamondiong.
Bilang parte ng paghahanda sa ‘Industry 4.0’, tatalakayin din ng mga opisyal kung anong kakayahan o mga kurso ang maaaring hindi na kailanganin matapos ang 10 taon, at kung ano ang dapat gawin upang mapaunlad ang TVET sa rehiyon.
Binigyang-kahulugan ang Industry 4.0 bilang “the current trend of automation and data exchange in manufacturing technologies. It includes cyber-physical systems, the Internet of things, cloud computing, and cognitive computing.”
PNA