SA pagbubukas ng panibagong academic year sa France sa Lunes, ipagbabawal ang paggamit ng cell phone sa mga paaralan sa buong bansa. Una nang ipinagbawal ang cell phone sa primary at secondary schools simula noong 2010, ngunit ito ang unang pagkakataon na palalawigin ng France ang ban sa high schools.
Simula sa Lunes, ipagbabawal na ang paggamit ng cell phone sa oras ng klase at maging sa recess. Sinabi ng mga opisyal na sila ay nangangamba na ang labis na paggamit ng cell phone ay maaaring maging sanhi ng fuel cyber-addiction, sleep disruption, at bullying. Sinabi ni France’s Education Minister Jean-Michael Blanquer na ang cell phone ay mahusay na technological advance ngunit “they cannot monopolize our lives.” Nang ipahayag niya ang ideyang ipagbawal ang paggamit ng cell phone sa mga paaralan nitong Disyembre, ipinagdiinan niya na “these days, the children don’t play at break time anymore; they are just in front of their smartphones and from the educational point of view, that’s a problem.”
Ipinatutupad din ang naturang ban sa British schools at lalo na sa Swedish schools, ngunit binago ng Italy ang ban na ipinatupad nito ilang taon na ang nakalilipas; hinihikayat na nito ngayon ang paggamit ng cell phone bilang learning device. Ipinagbawal ng Israel ang paggamit ng cell phone sa classrooms noong 2016. Ipinag-utos naman ng Australia na magsagawa ng pag-aaral hinggil sa paggamit ng cell phone sa paaralan, makaraang magpahayag ng pangamba ang mga magulang at ang pagtaas ng bilang ng cyber-bullying. Ipinatutupad ang cell phone ban sa ilang paaralan sa United States, partikular na sa Connecticut, Wisconsin, Ohio, Illinois, Maine, Massachusettes, Machigan, at California.
Dito sa Pilipinas, ipinatutupad ang cell phone ban sa mga driver habang nasa gitna ng trapiko at kahit nakahinto sa intersections. Sa ibang lugar, hindi ipinagbabawal ang paggamit ng cell phone kaya maaari itong gamitin sa paaralan, opisina, pagpupulong, at work sites. At maging sa paglalakad sa mga kalsada, maraming mamamayan ang nakatutok sa kanilang cell phone, nanganganib na magkabanggaan sa isa’t isa.
Nagpahayag na ng pangamba ang mga magulang mula sa iba’t ibang parte ng mundo hinggil sa labis na paggamit ng cell phone ng kanilang mga anak. Inaalala nila ang marahas at malaswang laman na makikita sa cell phone. Ang hakbang ng France ang pinakabagong pangyayari sa naturang isyu.
Sa kabilang banda, maging ang mga paaralan sa Pilipinas ay kinakailangan na pagtuunan ang isyu at kumilos sa tumitinding 21st century problem.