MATAPOS siyang patalsikin sa pagka-House Speaker, tila lumabo ang daang tinatahak ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez. Maraming kaso ang nakahain na laban sa kanya. Kahit sa sarili niyang distrito, parang pulitikong palaboy na lang siya at itinuturing na sobrang arogante diumano.
Pitong kasong libelo na ang isinampa laban kay Alvarez ni Rep Antonio Floirendo Jr., na dati niyang kaibigang matalik at tagapondo sa pulitika. Simula pa lamang ang nakasampang mga kaso. Sa rami ng sobrang maaanghang niyang talumpati na sinusuri ngayon, waring pumanglaw ang hinaharap ni Alvarez na dugong Manobo.
Sadyang mabilis ang mga pagbabago mula nang tawagin siyang “asshole” ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at ihayag ang balak niyang labanan si Alvarez, sa ilalim ng bagong tatag niyang partidong Hugpong sa Pagbabago sa kanilang lalawigan. Lalo pang lumabo ang hinaharap ni Alvarez sa balitang si dating Davao del Norte Governor at Assemblyman Rodolfo del Rosario, tiyuhin ni Floirendo, ang lalaban sa kanya sa 2019 halalan.
Ang pagbabalik ni Del Rosario, ama ng kasalukuyang Davao del Norte Governor ay tila kinatatakutan ng mga tagasuporta ni Alvarez. Ang pambato niya sa pagka-provincial governor, ang chief of staff niyang si Edwin Jubahim na hindi naman kilala, ay biglang hindi na mahagilap. Hinala ng marami, tuluyan na itong umurong.
Si Davao del Norte provincial vice-governor Allan Dujali, isa pang alaga ni Alvarez, ay malamang na tumakbo rin sa 2019 elections ngunit sa resulta ng mga survey, mga 30 porsiyento lamang ng mga botante sa distrito nila ang makukuha nito.
Hindi rito natatapos ang mga suliranin ni Alvarez. Ayon sa isang balita, maaaring atasan si Alvarez ng Commission on Audit na i-liquidate agad ang bilyun-bilyong pisong pondo ng Kamara na ginasta niya.
Iimbestigahan din diumano si Alvarez ng isang ahensiya kung saan niya kinuha ang malaking halagang ipinambili niya ng mga lupain sa Siargao at iba pang lugar. Napabalita ding balak niyang bumili ng napakagarang helicopter na hindi natuloy dahil napatalsik nga siya.
Inaasahang hindi na mababalik ang pagkakaibigan nila ni dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na nagtalaga sa kanya bilang transport and communications secretary noong 2002, noong ito pa Pangulo. Pinahiya siya ni Alvarez nang patalsikin siya bilang Deputy House Speaker at chairperson ng ilang komite ng kamara. Panahon na nga ng pagbabayad ng mga utang.
Kailangang pag-isipang muli ng PDP-Laban kung dapat siyang magpatuloy bilang secretary-general ng partido.
-Johnny Dayang