NAGHIHIMUTOK ngayon ang ilang mga rider na may-ari ng motorsiklo na may engine displacement na mas mababa sa 400cc.
Ang dahilan: Mahigpit nang ipagbabawal ang mga motorsiklong may ginatong makina, kahit pa ang engine displacement ay nasa 398 o 399cc.
Marami ang pumalag nang pumutok sa balita na doble na ang paghihigpit ng pangasiwaan ng mga expressway sa bansa tulad ng Southern Luzon Expressway (SLEX), North Luzon Expressway (NLEX), STAR Toll, CAVITEX, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX) at iba pa.
Ang bitaw ng Toll Regulatory Board (TRB): ‘Wag n’yo kaming subukan!
Marahil napikon na ang management ng mga tollway dahil sa pagpasok ng maliliit na motorsiklo sa mga tollway.
Ang iba sa kanila ay gumagamit ng mga pekeng sticker na nagsasabing ‘500cc’ o ‘600cc’ ang kanilang motor. Ngunit sa katunayan ang mga ito ay 250cc o 300cc lang.
Dahil sa makabagong teknolohiya o disenyo para sa mga motorsiklo, ang karamihan sa maliit na motor ay halos kamukha ng malalaking modelo.
Pagmasdan n’yo ang fairing, gulong, front cowl at talagang pagkakamalan niyong big bike ang maliliit na motorsiklo na namamayagpag ngayon sa mga lansangan.
At kung hindi ka marunong sa makina ng motorsiklo, malamang ay mata-tanso ka lang sa pag-aakalang ang ilan sa mga ito ay tunay na ‘big bike.’
Ito ay kabilang sa marketing strategy ng ilang mga motorcycle manufacturers upang lumakas pa ang benta ng kanilang produkto.
Malinaw ang dahilan kung bakit ipinatutupad ng tollways management ang ban sa sub-400cc motorcycles sa mga expressway at ito ay may kaugnayan sa kaligtasan ng mga motoristang dumaraan sa mga naturang pasilidad.
Naniniwala ang TRB na madaling tangayin ng hangin ang maliliit na motorsiklo kapag ang mga ito ay dinaanan ng malalaking sasakyan. Ang tawag dito ay ‘higop.’
Kung kayo’y gumagamit ng small bike, marahil ay naranasan n’yo rin ang maalog dahil sa lakas ng hanging dulot ng dumaan na matutulin na bus.
Kinakabog din ang tollways management sa rami ng pasaway na ‘kamote rider’ na baka lang magkalat sa loob ng mga expressway.
Kung sa ordinaryong kalsada pa lang ay wala na silang disiplina, marahil ay ganun din ang iaasal ng mga ito sa loob ng expressway.
Mayroon ding usap-usapan na baka baguhin ng TRB sa mga darating na panahon ang motorcycle ban at itataas na umano sa 500cc.
Ito ay matapos nilang matuklasan na maraming motorsiklo na may engine displacement na mas mababa sa 400cc ang pineke ang kanilang Original Receipt/Certificate of Registration kung saan nakalagay ay 400cc.
-Aris Ilagan